Tigers Hitik sa aksyong labanan ng La Salle at St. Clare College sa PBA D-League. PBA photo

Tigers, Archers namayani sa D-League

Theodore Jurado Jul 28, 2022
312 Views

NAITALA ng Builders Warehouse-UST ang ikalawang pinakamalaking panalo sq kasaysayan ng PBA D-League, habang naibalik naman ng EcoOil-La Salle ang kanilang winning ways sa Aspirants’ Cup sa Smart Araneta Coliseum kahapon.

Naiposte ni Sherwin Concepcion ang ika-10 triple double sa developmental league nang ilampaso ng Growling Tigers ang AMA Online, 150-79, upang makapasok sa win column.

Muling kumislap si Kevin Quiambao nang maungusan ng Green Archers ang Adalem Construction-St. Clare, 72-69, para sa kanilang ikalawang sunod na tagumpay.

Ang 71-point win ng Builders Warehouse-UST ay pangalawa sa likuran ng all-time record na 76-point win ng Tanduay laban sa Zark’s (141-65) noong July 10, 2017.

Nagsalansan si Concepcion ng 14 points, 14 rebounds at 10 assists nang winakasan ng Growling Tigers ang kanilang four-game losing skid.

“Napakasarap,” sabi ni interim coach Albert Alocillo. “Credit ito lahat sa mga bata because they worked so hard at unti-unti, nakakapag-adjust na sila.”

Nanguna si Nic Cabañero para sa Builders Warehouse-UST na may 19 points, limang rebounds, dalawang assists, dalawang steals at dalawang blocks habang si highly-touted recruit Willie Wilson ay nag-ambag naman ng 18 points, pitong assists, apat na rebounds at tatlong steals.

May anim pang manlalaro ng Growling Tigers ang umiskor rin ng double figures.

Tangan ang 4-2 record, sinamahan ng EcoOil-La Salle ang Marinerong Pilipino at Apex Fuel-San Sebastian sa susunod na round.

Sa kanyang ikalawang salang para sa Green Archers, nagtala si Quiambao ng 18 points, walong rebounds at anim na assists.

Tabla ang laro sa 69-69 sa huling siyam na segundo, naisalpak ni Quiambao ang go-ahead jumper at nagkasya sa split sa foul line matapos ang isang Bam Lopez turnover upang makuha ng EcoOil-La Salle ang trangko.

Tinangka ng Saints na maihatid ang laro sa overtime subalit nagmintis ang tres ni Johnsherick Estrada.

“We’re tired but this game is very important for both teams. At least nakaangat kami sa quarters,” sabi ni Green Archers coach Derrick Pumaren.

Tumipa si Joshua Fontanilla ng 14 points, anim na rebounds, dalawang assists at dalawang steals para sa Adalem-St. Clare, na bumagsak sa 3-3.

Iskor:

Unang laro

Builders-UST (150) — Cabañero 19, Wilson 18, Crisostomo 15, Concepcion 14, Manaytay 13, Baclaan 11, Herrera 10, Mantua 10, Pangilinan 9, Gesalem 9, Santos 7, Escobido 6, Stevens 4, Manalang 3, Canoy 2.
AMA Online (79) — Pineda 13, Baclig 13, D. Cruz 11, Malones 7, Villamor 6, Kapunan 5, De Vera 5, Gile 5, Camay 3, Yambao 3, Palaña 3, K. Cruz 2, Ceniza 2, R. Cruz 1, Fuentes 0.
Quarterscores: 36-20, 72-34, 117-60, 150-79

Ikalawang laro

EcoOil-DLSU (72) — Quiambao 18, Manuel 11, Austria 10, Buensalida 9, Macalalag 6, Cortez 6, Estacio 5, Abadam 4, Nwankwo 3, Alao 0.
Adalem-St. Clare (69) — Fontanilla 14, Sablan 12, Manacho 10, Rojas 10, Estacio 6, Gamboa 6, Estrada 4, Sumagaysay 3, Ndong 2, Lopez 2, Tapenio 0.
Quarterscores: 16-13, 30-35, 51-52, 72-69.