Calendar
Todo suporta sa Bagong Pilipinas ni PBBM: Mahigit 80 kongresista dumalo sa Zamboanga City serbisyo caravan
MAHIGIT 80 miyembro ng Kamara de Representantes ang dumalo at nakiisa sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Zamboanga City nitong Biyernes.
Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang 85 kongresista na dumalo sa event na naglalayong ilapit sa mga taga-Zamboanga ang serbisyo at mga programa ng gobyerno.
Ikinatuwa ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, ang local host ng event, ang dami ng mga mambabatas na isa umanong pagpapakita ng pagkakaisa ng mga kongresista para matulungan ang mga nangangailangang Pilipino.
“Tunay tayong nagagalak sa ating nakikitang pagkakaisa sa ating mga mambabatas na dumalo sa Zamboanga City BPSF. Nakaka-inspire makita ang higit 80 na mga mambabatas na kasama natin sa Kongreso para personal na ipakita ang kanilang suporta sa isang programang inilalapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga mamamayan,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.
Ang Zamboanga City leg ng BPSF ang ika-16 na yugto ng serbisyo caravan na dadalhin sa lahat ng 82 probinsya sa bansa.
Bitbit ng caravan ang mahigit 400 serbisyo ng gobyerno, cash assistance at iba pang benepisyo na nagkakahalaga ng P580 milyon para sa may 111,000 benepisyaryo.
“Never before have we witnessed such overwhelming solidarity among representatives from across all regions of our country. The presence of these 80 District and Partylist Representatives underscores the commitment of the House of Representatives to serve as true champions of the Filipino people,” sabi ni Speaker Romualdez.
Ang pagsasama-sama ng mga kongresista, ayon kay Speaker Romualdez, ay patunay ng pakikiisa ng lehislatura kay Pangulong Marcos na makagawa ng mga makabuluhang reporma at inisyatiba para sa mga Pilipino.
“Nakikita naman natin ang dedikasyon ng ating mga kinatawan sa Kongreso na makita ng personal kung paanong nakaka-benepisyo sa mamamayang Pilipino ang bawat batas na dumadaan sa Kongreso at sa bawat programa na ating pinopondohan,” saad ni Speaker Romualdez.
Bukod kina Speaker Romualdez, Dalipe, at Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Adan Olaso, 82 kongresista pa ang dumalo sa Zamboanga City BPSF.
Ang bilang na 85 ang pinakamalaking bilang ng mga kongresista na dumalo sa isang BPSF. Pumapangalawa ang Agusan del Norte na may 62, at sinundan ng Benguet na may 60.
Kasama sa mga lider ng Kamara na dumalo sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr., Deputy Speaker David C. Suarez, Deputy Speaker Yasser Balindong, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Naroon din sina Rep. Lani Mercado-Revilla at anak nitong si Rep. Bryan Revilla na kumatawan kay Sen. Ramon Revilla, Jr. sa pagtitipon.
Dumalo rin doon ang mga miyembro ng “Young Guns” gaya nina Reps. Zia Alonto Adiong, Margarita Nograles, Cheeno Miguel Almario, at Ramon Rodrigo Gutierrez para magpakita ng suporta.
“The decision of these lawmakers to witness firsthand how the Marcos administration is bringing government services directly to the people speaks volumes about their dedication to serving the nation,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
“Sana sa mga susunod na Serbisyo Fairs natin ay mas marami pang mambabatas ang makarating para makita nila ang benepisyo ng ating mga pinopondohang programa ng gobyerno,” wika pa nito.