Tolentino Makikitang nakilahok si Senator Francis Tolentino sa 140th Araw ng Sta. Cruz sa Davao del Sur.

Tolentino: Pagkakaisa, kooperasyon susi sa epektibong pamamahala

88 Views

MAHALAGA ang pagkakaisa at kooperasyon sa epektibong pamumuno, lalo na sa lokal na pamahalaan.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa kanyang pakikiisa sa makasaysayang pagdiriwang ng ika-140 Araw ng Sta. Cruz sa lalawigan ng Davao Del Sur noong Sabado.

Sinamahan ni Tolentino ang mga residente at lider ng Sta. Cruz sa pangunguna ni Mayor Jose Nelson Sala sa selebrasyon, kung saan pinuri ng senador ang mga natatanging serbisyo ng naturang bayan.

“Ako’y naniniwala sa pamumuno ng local government units (LGUs). Kung magsisikap ang lahat ng LGUs na makamit ang selyo ng mabuting pamamahala, gaya ng Sta. Cruz na isang huwaran sa serbisyo publiko, ay tiyak na mas bubuti ang Pilipinas,” ani Tolentino.

Isa ring dating local chief executive, si Tolentino ay unang nakilala bilang alkalde ng progresibong lungsod ng Tagaytay.

“Ang selebrasyon ng makasaysayang araw na ito ay naging posible dahil sa inyong pagkakaisa at pagtutulungan. Kailangan ng ilang buwan ng metikulosong paghahanda para maisagawa ang ganitong uri ng pagdiriwang. Kung kaya’t mataas ang aking pagkilala sa mga mamamayan ng Sta. Cruz,” pahayag ng senador.

Kinilala rin nya ang ambag ng iba’t ibang sektor na dumalo sa pagdiriwang, kanilang ang Barangay Health Workers, mga guro, at iba pang mga kawani ng pamahalaan. Pinasalamatan nya ang mga ito sa paghahatid ng mga batayang serbisyo, tulad ng kalusugan, nutrisyon, at edukasyon sa mga tao.

Kinuha rin ni Tolentino ang oportunidad para batiin ang mga guro sa okasyon ng World Teachers Day.

Samantala, pinangunahan din ng senador ang pagkakaloob ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na residente ng Sta. Cruz sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng Department of Social Work and Development.

Ang serye ng mga pagdiriwang para sa ika-140 Araw ng Sta. Cruz ay gumunita sa mayamang kasaysayan, tradisyon, at kultura ng Sta. Cruz, na isa sa pinakamatandang munisipalidad sa buong Mindanao.