Hataman

Total brownout sa Mindanao pinapangambahan

Mar Rodriguez Aug 30, 2022
172 Views

PINGANGAMBAHAN ng isang Muslim congressman na posibleng magkaroon ng “total brownout” o ang kawalan ng supply ng kuryente sa malaking bahagi ng Mindanao kapag hindi binayaran ng National Power Corporation (Napocor) ang utang nito sa Petron Corporation.

Ito ang lumutang sa isinagawang deliberasyon ng Kamara de Representantes kaugnay sa 2023 national Budget matapos ipahayag ni Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman na nakatanggap ng sulat mga lokal na pamahalaan sa Basilan maging sa mga karatig bayan nito hinggil sa nagbabantang “brownout” sa lalawigan.

Binigyang diin ni Hataman na mayroon aniyang utang ang Napocor sa Petron Corporation na umaabot sa halagang P2 bilyon sapagkat ang Petron ang siyang nagsu-supply ng produktong petrolyo para makapag-operate ang mga planta ng Napocor sa Mindanao.

Ipinaliwanag din ng kongresista na hindi malayong lumala ang sitwasyon o ang napipintong brownout sa Mindanao kapag sa oras na hindi nakapag-deliver ang Petron Corporation ng krudo kahit man lamang sa sampung planta ng Napocor.

“The power outages in Basilan. As well as in other parts of the country will get worse if Petron decides not to deliver fuel to at least 10 power plants should Napocor fail to secure payment of at least P1.26 billion of its over P2 billion obligation,” ayon kay Hataman.

Ipinahayag naman ni Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman na nakipag-ugnayan na sil asa Deparment of Energy (DOE) para sa agarang pagpapalabas ng pondo upang mabayaran ang utang ng Napocor sa Petron Corp.