MMDA

Traffic enforcer pinilit isiksik motor sa EDSA bus lane, lagot

Edd Reyes Jul 18, 2026
127 Views

TINIYAK ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes na pananagutin nila ang traffic enforcer sa viral video na nag -counterflow sa EDSA bus lane Sabado ng umaga.

Mismong sa opisyal na Facebook page ng MMDA naka-post ang nag-viral video na layong ipabatid sa publiko na hindi itinatago ng ahensiya ang mga maling gawain ng kanilang mga kawani upang hindi na ito pamarisan.

Tiniyak din ni Artes na hindi nila kukunsintihin ang ganitong maling gawain ng sinuman sa kanilang mga kawani.

Sa naturang video, mistulang pilit pang isinisiksik sa gilid ng busway ng traffic enforcer na kinilala sa alyas “Jeffrey” ang minamanehong motorsiklo kahit pa nga sinabihan na siya ng driver ng bus na nakasalubong na hindi siya kasya.

May pagkakataon pa na tila hirap na hirap i-maniobra ng enforcer ang motorsiklo kaya’t nasabihan siya na mukhang nakainom ng alak.

Napag-alaman na may multang P5,000 ang paglabag sa pagtahak sa EDSA busway, habang isasailalim sa imbestigasyon ang enforcer na posibleng mapatawan pa ng kasong administratibo.