NPD

NPD MAY SUSPEK NA SA PAGTUMBA KAY MIMA ALICIA

Edd Reyes Jul 18, 2026
140 Views

MAY suspek ng tinutugis ang Northern Police District (NPD) sa nangyaring pamamaslang sa pro-administration vlogger noong Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.

Gayunman, nakiusap ang NPD, na hindi muna sila magbibigay ng detalyadong impormasyon sa pagkakilanlan ng mga suspek habang patuloy pa silang nangangalap ng matibay na ebidensiyang mag-uugnay sa mga ito.

Ibinatay ng NPD ang pagkakakilanlan sa mga suspek matapos ang isinagawang forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa paligid ng Barangay 171 kung saan nangyari ang pamamaslang.

Nauna ng lumutang ang posibilidad na madalas makita sa lugar ang mga suspek na posibleng naniirahan din sa naturang barangay o matagal na nilang tinitiktikan ang kilos ng mga biktima.

Tiniyak naman ng NPD na isasapubliko kaagad nila ang progreso ng kanilang imbestigasyon sa oras na maging beripikado na ang impormasyon.

Nauna ng binuhay ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili ang Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa masusi, mabilis, at epektibong imbestigasyon sa nangyaring pamamaslang sa babaing pro-administration vlogger.