Calendar
Armadong tambay naghanap ng away sa daan, diretso piitan
PATONG-PATONG na kaso ang kakaharapin ng 36-anyos na tambay na pumalag sa mga pulis matapos maghasik ng sindak habang armado ng baril Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.
Pinosasan kaagad ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili si alyas “Gabo” matapos masukol sa maikling habulan sa Grace Park West, Barangay 46 pasado alas-6 ng umaga.
Nagresponde sa lugar ang kapulisan nang matanggap ang tawag mula sa Unified 911 Hotline hinggil sa pagwawasiwas ng baril ng suspek habang pagala-gala at naghahanap ng makakaaway.
Nang sitahin ng mga pulis, pumalag at nagtatakbong palayo si alyas Gabo hanggang masukol sa maikling habulan at makumpiska ang hawak na hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.
Sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth na sasampahan nila ng mga kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Alarm and Scandal ang suspek na nakapiit ngayon sa kanilang custodial facility.

