Calendar
Baseco PS 13, MPD Explosives and Canine Unit nagsagawa ng simulation exercise vs school violence






ISANG simulation exercise laban sa banta sa kaligtasan ng publiko ang isinagawa ng mga kapulisan sa H.J. Atienza Elementary School sa Baseco Compound, Port Area, Manila, Biyernes ng hapon.
Sa nasabing exercise, agad kumilos ang kapulisan ng Baseco Police Station 13 matapos itawag sa kanila ang kunwari’y kahina-hinalang backpack na iniwan sa harap ng gate ng nasabing paaralan.
Bilang parte ng ehersisyo, dali-daling itinawag ang insidente ng mga tauhan ng Baseco Police Station (PS-13), sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Rommel S. Anicete, sa MPD Explosives and Canine Unit.
Dali-dali ring nakpag-ugnayan ang mga otoridad sa kinauukulan ng H.J. Atienza Elementary School.
Sa nasabing simulation exercise, naipakita ng mga kinauukulan ang mga tamang pamamaraan ng pagtugon sa mga kahina-hinalang insidente o banta ng extremism.
“Ang mga obserbasyon at rekomendasyong nakuha sa debriefing ay gagamitin upang higit pang mapabuti ang kahandaang operasyonal at mapahusay ang mga estratehiya sa pagtugon sa hinaharap para sa mga kritikal na insidente,” ani Police Lt. Col. Anicente.
“Ang pagiging handa ay nakapagliligtas ng buhay. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at mga simulation exercise, pinalalakas natin ang ating kahandaang tumugon nang mabilis, epektibo, at ligtas sa anumang banta,” dagdag ni Police Lt. Col. Anicete.

