Suspek

Ex-parak kalaboso sa carnap

138 Views

KALABOSO ang inabot ng 54-anyos na dating pulis matapos umanong tangayin ang nakaparadang tricycle sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas Ram, dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) ngunit nasibak sa serbisyo dahil sa kasong carnapping.

Sa ulat ni P/Lt. Col. Morgan Aguilar, hepe ng Galas Police Station (PS-11), ipinarada ng biktima ang kanyang tricycle sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. San Isidro noong gabi ng Hulyo 15.

Pagsapit ng umaga kinabukasan, nadiskubre ng biktima na nawawala na ang kanyang sasakyan. Kalaunan, namataan umano ang suspek na minamaneho ang naturang tricycle sa kaparehong barangay.

Dahil dito, nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng PS-11 na nauwi sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakabawi sa tricycle.

Sa beripikasyon ng pulisya, napag-alamang may mga nauna nang kaso ang suspek kabilang ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act noong 2019 at 2023, gayundin ang Serious Physical Injuries at Alarms and Scandals noong 2017.