PUV

Transport leaders tinalakay pagpapatupad ng speed limiters sa PUV

Jun I Legaspi Sep 20, 2024
115 Views

NAGSAGAWA ng pagpupulong ang mga matataas na opisyal ng transportasyon upang talakayin ang mandatoryong pagpapatupad ng batas na nagtatakda ng paglalagay ng speed limiters sa mga pampublikong sasakyan (PUV), bilang bahagi ng road safety measures ng pamahalaan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang Republic Act 10916, o ang Road Speed Limiter Act, ay dapat sana’y ganap nang naipatupad noong 2016 matapos itong maging ganap na batas.

“The full implementation of this law is long overdue. We have to do something now for the interest and protection of all road users,” ani Assec Mendoza.

“We will continue holding a series of meetings in order to come up with the guideline, with the intention of installing the required speed limiters in the soonest possible time,” dagdag niya.

Ang unang pagpupulong ay ginanap noong Setyembre 18 at dinaluhan ni Atty. Alex Verzosa, Consultant mula sa Office of the Assistant Secretary ng LTO, kasama si Assistant Secretary for Road Transport Infrastructure James Andres B. Melad ng DOTr, Atty. Zoj Daphne Usita, at Chief Ms. Nida Quibic ng Information Systems Management Division (ISMD) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Dumalo rin sa nasabing pagpupulong ang mga UV Express at bus operators.

Binigyang-diin ng diyalogo ang patuloy na pagsusumikap patungo sa mandatoryong pagpapatupad ng mga speed limiters, na naglalayong mapabuti ang kaligtasan sa kalsada at matiyak ang mahigpit na pagsunod sa mga itinakdang regulasyon ng pamahalaan.

“These measures aim to promote safer travel for commuters and elevate the standards of public transportation safety across the country,” ani Assec Mendoza.

Ang Republic Act 10916 ay nagpapakilala ng paggamit ng speed limiter device na elektronikong kumokontrol sa bilis ng sasakyan nang hindi naaapektuhan ang mga bahagi nito.

Ito ay isinabatas bilang bahagi ng interbensyon ng pamahalaan upang mabawasan ang insidente ng mga aksidente sa kalsada.

Batay sa datos ng World Health Organization, humigit-kumulang 1.3 milyong tao ang namamatay sa mga aksidente sa kalsada sa buong mundo habang nasa pagitan ng 20 milyon hanggang 50 milyon ang nasugatan, kabilang na ang mga pinsalang nagdudulot ng permanenteng kapansanan.

Ibinunyag din ng parehong datos na ang mga pinsala mula sa aksidente sa kalsada ang pangunahing sanhi ng kamatayan para sa mga bata at kabataang edad 5-29 taon, at mahigit kalahati ng lahat ng nasasawi sa mga aksidente sa kalsada ay kabilang sa mga vulnerable road users tulad ng mga pedestrian, siklista, at motorista.

Sa Pilipinas, ayon sa datos ng UN, humigit-kumulang 32 katao ang namamatay kada araw dahil sa mga aksidente sa kalsada.

Ang paglalagay ng speed limiters sa mga PUV ay bahagi ng mga hakbang na itinutulak ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan.

“Our goal of reducing road accident deaths by 35 percent by 2028 and by 50 percent by 2033 was endorsed by the United Nations General Assembly. This is part of the Philippine Road Safety Action Plan that actively promotes road safety,” saad ni Bautista.