Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

Tri-Comm tatalakayin SCO vs influencers, vloggers sa Feb. 18

50 Views

MAGPAPATAWAG muli ang House Tri-Committee sa Pebrero 18 ng pagdinig para ipagpatuloy ang imbestigasyon nito sa lumalalang problema ng maling impormasyon at “fake news” sa social media.

Kasunod ito ng pagpapalabas ng mga show cause order (SCO) laban sa ilang social media influencers at vloggers na hindi dumalo sa unang pagdinig noong Pebrero 4.

Nagbabala ang mga komite sa public order and safety, information and communications technology, at public information na maaaring humantong sa mas mabibigat na aksyong legal, tulad ng subpoena at contempt charges, ang hindi pagsunod sa SCOs.

Ayon kay Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety at overall chair ng tri-comm, mahalagang mapanagot ang mga digital influencers na may papel sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

“We are not suppressing free speech. We are investigating whether social media is being used to mislead the public, undermine institutions, or facilitate foreign disinformation,” ani Fernandez.

Kabilang sa mga inisyuhan ng SCOs sina Atty. Glenn Chong, dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) chief Trixie Cruz-Angeles, Krizette Laureta Chu, Sass Rogando Sasot, Mark Anthony Lopez, Lorraine Badoy-Partosa, Jeffrey Celiz, Mary Catherine Binag, Elizabeth Joie Cruz, Elmer Jugalbot, Ernesto Abines Jr., Ethel Pineda Garcia, George Ahmed Paglinawan, Mary Jean Quiambao Reyes, Richard Tesoro Mata, Suzanne Batalla at marami pang iba.

Ilang personalidad na ang tumugon sa pamamagitan ng email, kabilang sina Cruz-Angeles, Cruz, Lopez, Batalla, Pineda at Chu.

Bukod sa mga social media personalities, ipapatawag din ng tri-comm ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, malalaking social media platforms, legal experts at media organizations upang palawakin ang saklaw ng imbestigasyon.

Ilan sa mga opisyal ng gobyerno na inaasahang dadalo ay sina Anti-Money Laundering Council Chairperson Eli Remolona Jr., Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr., Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy at Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil.

Samantala, inimbitahan din ang mga opisyal mula sa ByteDance (TikTok), Google Philippines at Meta (Facebook/Instagram) upang magbigay ng paliwanag kung paano nila hinaharap ang problema ng “fake news” sa kanilang mga platform.

Inaasahan ding dadalo sina UP College of Law Professor Joan De Venecia-Fabul, VERA Files President Ellen Tordesillas at mga kinatawan mula sa Philippine Daily Inquirer at iba pang media organizations upang talakayin ang mga posibleng regulasyon laban sa maling impormasyon.

Tinitingnan ng tri-comm ang iba’t ibang hakbang upang labanan ang fake news, kabilang ang mas mahigpit na pananagutan para sa social media influencers, mas maayos na regulasyon ng online content, at mas matinding pagpapatupad laban sa mga dayuhang disinformation campaigns.

“We have to determine whether existing laws are enough to address this growing problem or if new measures are necessary,” dagdag ni Fernandez.

Ang pagdinig sa Pebrero 18 ay magsisilbing daan sa mga posibleng panukalang batas upang labanan ang mabilis na pagkalat ng maling impormasyon online at ang papel ng digital platforms sa pagpapalaganap nito.