Gonzales

Trilateral summit nagpalakas sa depensa sa WPS

Mar Rodriguez Apr 14, 2024
95 Views

PINURI ng liderato ng Kamara de Representantes ang matagumpay at kauna-unahang trilateral summit sa pagitan nina US President Joe Biden, Japanese Prime Minister Fumio Kishida, at President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Ayon kina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez, at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe positibo ang naging resulta ng pagpupulong na may malawakang epekto sa economic development, kapayapaan, seguridad, at katatagan sa Indo-Pacific region.

“We are hopeful about the peace and economic gains that we will surely realize from this historic engagement of President Biden, Prime Minister Kishida and President BBM,” ayon sa mga mambabatas.

Sumasang-ayon din si Gonzales sa napagkasunduan ng tatlong pinuno na ilungsad ang Luzon Economic Corridor, na mag-uugnay sa Subic Freeport, Clark Freeport, Metro Manila, at Batangas.

“This project will immensely benefit our region, our province Pampanga in particular, the National Capital Region and Southern Luzon. It will create additional job and income opportunities for our people,” ayon kay Gonzales.

Ito ayon sa mambabatas ay kaugnay na rin sa nagkakaisang pahayag nina President Biden, PM Kishida, at Pangulong Marcos matapos ang April 11 summit, sa pagpapaigting ng pagtutulungan para sa infrastructure projects, kabilang na ang mga riles, modernisasyon ng mga pantalan, clean energy at semiconductor supply chains, gayundin sa deployments, agribusiness, at civilian port upgrades sa Subic Bay.

Sinasaad din sa Joint Vision Statement ang matagal nang suporta ng Japan sa Pilipinas sa larangang ito sa pagtatayo ng mga riles at kalsada sa pamamagitan na rin ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Tinukoy din ni Gonzales ang pagtutulungan ng US, Japan at Pilipinas, kasama ang mga pribadong sektor sa paghikayat ng mga mamumuhunan para sa Luzon Economic Corridor, at pagkakaroon ng trilateral conference na magtataguyod sa larangang ito.

Sa nagkakaisang pahayag, sinabi ng tatlong pinuno na ang Luzon Economic Corridor ay pagpapatunay ng pinalakas na pagtutulungan sa ekonomiya at makabuluhang pamumuhunan sa iba’t ibang sektor.

Gayundin ayon pa sa pahayag ang pagpapalawig ng pagtutulungan at pamumuhunan sa iba pang mga lugar sa Pilipinas.

Naniniwala naman si Suarez na ang kauna-unahang pagpupulong ng mga pinuno ng tatlong bansa, ay magpapalakas ng ating pagtatanggol sa soberenya at maritime rights sa West Philippine Sea.

Giit pa ni Suarez, ang naging pagpapatibay ni President Biden sa mas matatag na alyansa ng US at Japan sa Pilipinas, lalo na sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Indo-Pacific sa loob mahabang panahon.

Binigyan diin ng tatlong pinuno ang kanilang paninindigan sa pananatili ng freedom of navigation, maging sa himpapawid, gayundin ang pagkilala sa karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zones, base na rin sa sinasaad ng international law, partikular sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea.”

Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga pinuno sa patuloy na panggigipit at agresibong pagkilos ng China sa South China Sea.

Sinabi pa ni Suarez, ang ginawang pahayag ng mga pinuno sa summit na pagkondena sa pagtataboy ng Chinese Coast Guar at militia vessels, gayundin ang umanoy pagsira at pag-aabuso sa mga likas na yaman ng ibang mga bansa.

Tinututulan din ng mga pinuno ang paulit-ulit na panghaharang ng China sa mga barko ng Pilipinas na nagdadala ng suplay ng pagkain sa Second Thomas Shoal (Ayungin Shoal), na hindi lamang mapanganib kundi ay nagdudulot ng tensyon.

Pinagtibay din ng mga pinuno sa pulong, na ang Ayungin Shoal ay nasasakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas, ayon na rin sa “final and legally binding ” ruling ng Permanent Court of Arbitration noong July 12, 2016, na dapat galangin ng China.

Nababahala rin ang mga pinuno sa agresibong pag-uugali ng China sa East China Sea, kung saan ang China at Japan ay kapwa rin umaangkin sa ilang isla at nasasakop na karagatan.

Hinimok din ni Dalipe ang Beijing na pakinggan ang Vision Statement ng tatlong pinuno.

“We cannot understand why China continues to pursue an aggressive approach in dealing with its neighbors in the vast South China Sea, when it can shift to a live-and-let-live tack,” ayon kay Dalipe.

Ayon kay Dalipe malinaw na ang Ayungin Shoal sa Palawan at Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc malapit sa Zambales at Pangalinan ay bahagi ng 200-mile exclusive economic zone (EZZ) ng Pilipinas.

Aniya, ilan ding isla na inookupahan ng Beijing sa West Philippine Sea ay daang milya ang layo mula sa Chinese mainland.

Kaya’t panawagan ni Dalipe sa China na tigilan na ang paghihimasok sa teritoryo, partikular sa EEZ ng Pilipinas at mga karatig bansa.

Hinimok din ng mambabatas ang Pangulong Marcos na ikonsidera ang oil and gas exploration sa Recto bank, na sinasabing nagtataglay ng gas deposits na higit na mas malaki kumpara sa Malampaya.

Ang Malampaya na siyang nagsusuplay sa power plants sa Luzon ay inaasahang matutuyo sa m ga susunod na taon, ayon kay Dalipe.

“When that happens, the country may have to import natural gas and crude oil, which may be more expensive and may result in increased electricity cost,” ayon kay Dalipe.

Nagpahayag din ng kumpiyansa sina Gonzales, Suarez, at Dalipe sa dalang benepisyo ng mas pinalawig na security at economic cooperation sa pagitan ng US, Japan at ng Pilipinas.

Gayundin ang pagtanggap sa pasya ni President Biden kaugnay sa $128 milyong pondo sa proyektong pang-impratraktura at aktibidad sa EDCA sites.

Ang pondong ito ay makakalikha ng mas maraming trabaho at pagkakakitaa ng mga residente sa siyam na EDCA areas, kabilang na ang Antonio Bautista Air Base at Balabac Island sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumba Air Base sa Cagayan de Oro City, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, Naval Base Camilo Osiers, at La-lo Airport in Cagayan, at Camp Melchor dela Cruz sa Isabela.