Trillanes Dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV

Trillanes ibinuking destab moves ng oposisyon kuno

94 Views

HAYAGANG inamin ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na isa pa rin siya sa mga tradisyonal na oposisyon sa bansa ngunit handa rin siya umanong tumayo at lumaban sa sinoman na nagtatangkang agawin ang kasalukuyang gobyerno sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na para sa kanya ay magiting na tumitindig para sa kapakanan ng mga Pilipino laban sa dambuhalang Tsina.

Ito ang matapang na sinabi ni Trillanes at pinagtawanan din niya ang mga nasa likod ng pambabatikos kay Pangulong Marcos Jr. matapos itong tawaging “bangag at mahinang pangulo.”

Tahasang sinabi ni Trillanes na lahat ng mga paninirang salita na ito ay kasama sa destab move umano laban kay Marcos ng mga kampo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Perceived as weak but he is actually very strong. Simple lang siyang magsalita. Nakita naman natin na kaya niya i-control ang kanyang emosyon. Kung titingnan ay weak but really strong. Kaya nga niyang tayuan ang dambuhalang China. Tumitindig siya para sa bansa at sa mga Pilipino. ‘Yan ba ang weak? Kumpara mo kay dating Pangulong Duterte na tapang-tapangan kunwari pero maliliit na tao at mahihina ang pinapatay samantalang nakaluhod naman siya sa China? So sino ang weak sa kanila at sino ang strong?” paliwanag ni Trillanes.

Hindi aniya kapani-paniwala ang lahat ng mga baho at putik na ibinabato kay Marcos dahil alam naman aniya ng lahat na ito ay parte ng destab move ng mga grupong kakampi ng China, kung saan ang tanging agenda ng mga ito tulad nina dating Pangulong Duterte, na tinawag din niyang de factong oposisyon, ay patalsikin ang kasalukuyang lehitimong gobyerno ni Marcos.

“Kagaya nina Senator [Risa] Hontiveros maging si Senator [Koko] Pimentel. Nakita natin na naka-focus sila sa polisiya. At alam nila kung dapat natin samahan ang Pangulo kagaya na lamang ng isyu ng West Philippine Sea,” ani Trillanes sa panayam sa kanya ng Top Wan vlogger.

Ipinaliwanag din niya na iba ang tradisyonal na oposisyon na kinabibilangan nila, kumpara kina Duterte na nagmamadali umanong makaupo sa puwesto sa pamamagitan umano ng paninira.

Inilahad din ni Trillanes kung paano sila nagkasama ni Marcos Jr. sa Senado sa ilalim ng Nacionalista Party noong panahon na namatay na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

“Noong magkasama pa kami bilang senador sa ilalim ng isang partido, wala siyang ipinakitang masamang tinapay whether privately or publicly. Ganoon din naman sa kanya noon si Pangulong Aquino. ‘Yung istilo ni Pangulong Marcos Jr. noon, kahit panahon iyon ni dating Pangulong Aquino, trabaho lang siya kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi siya bengador. Ganyan na ang istilo niya kaya walang hidwaan. ‘Yan na ang brand niya noon pa man,” kuwento pa ni Trillanes.

Si Trillanes na dating navy officer na nagrebelde sa panahon ng Arroyo administration at nahalal bilang senador ay naghayag ng mga nakita niyang kilos at pag-uugali ng Pangulo noong sila ay nasa Senado pa.

“Simple lang talaga siya. Tingnan ninyo pinagdaanan niya kung papaano niya ginapang ang kaniyang political career. Hindi siya weak at lalong hindi tanga. Simula noong napatalsik sila noong 1986, ilang political defeat ang kinaharap niya? Inapi-api sila. Supposedly ngayon na nakaupo na siya ay panahon na para maging bengador siya. Baliktad ang nangyari. Hindi siya naging bengador kaninuman. I believe that what they see in him as a weak leader is actually the opposite. He is a strong leader!” ani Trillanes.

Inilahad din ni Trillanes na naging magkasama pa sila ni Marcos sa cruise gayundin sa short study trip nila sa Singapore kasama si Sen. Lito Lapid, at iba-ibang okasyon kung kaya pinagtatawanan na lamang niya ang mga akusasyon na adik sa iligal na droga ang Pangulo dahil siya mismo ay walang ganitong nakita o napansin man lamang.

“Hindi ‘yan pa wardi-wardi lang. Makikita mo ang demeanor niya na nag-aaral siya, in full control of his senses, at pati sa mga debate, matindi mga partisipasyon niya. Hindi siya lutang kagaya ni Duterte na umamin mismo na dati na siyang nag-marijuana at gumamit ng fentanyl,” ani Trillanes.

Para kay Trillanes, hindi dapat pansinin ni Marcos Jr. ang hamon na magpa-drug test siya dahil maliwanag naman aniyang destab move lamang ang habol ng mga ito at paraan ito para mabilis siyang mapatalsik bilang Pangulo.

Kinuwestyon din ni Trillanes ang nagdaang imbestigasyon sa Senado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa isyu ng kontrobersiyal na dokumento na umano’y galing sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na umano’y naguugnay kay Marcos Jr. at sa actress na si Maricel Soriano sa paggamit ng iligal na droga.

“Si Senator Bato ay namamangka sa dalawang ilog. Itong isyu na ito ay galing sa isang vlogger lamang. Bakit mo dadalhin sa national? Samantalang ang ‘gentleman’s agreement’ ni Duterte na napakalaking isyu ay hindi nila tina-tackle? ‘Yung tone-toneladang drugs na pinasok ng mga kaalyado ni Duterte noon hindi nila tina-tackle? Mga pinapatay sa panahon ni Duterte ay walang imbestigasyon. Bakit mo dadalhin sa Senado ang istorya-istoryahan nitong Jonathan Morales na ito kahit sinabi na sa iyo ng PDEA na walang ganyang kuwento? Bakit binigyan mong platform si Morales?” tanong ni Trillanes kay Dela Rosa.

Pinaalalahanan din ni Trillanes si Dela Rosa na ang ginagamit niya ay pera ng taumbayan at dapat lamang aniyang bigyan ng masusing pag-aaral at pagbusisi kung may kredibilidad ang mga akusasyon bago magkaroon ng pagdinig, lalo at si Dela Rosa mismo ang umamin umano na motu proprio ang basehan ng imbestigasyon.

“Highly suspicious and very malicious ito. Hindi naman life and death ito. Motu proprio is an action taken without resolution ng sinomang senador. Basang basa naman ng lahat ang galaw nila.

Ginawa na rin nila kay dating Sen. Leila de Lima ang ganyan. Anong basehan mo kung walang resolusyon? Ang gusto lamang nila mangyari ay gamitin lamang ang isyu sa mainstream media? Hindi ito national interest at pera ng taumbayan ‘yan,” ani Trillanes.

Nagbabala rin ang dating senador na ang ganitong paggamit ng pera ng taumbayan sa imbestigasyon ng mga resource person tulad aniya ni Jonathan Morales na tumukoy pa sa kasalukuyang Pangulo bilang posibleng suspek sakaling may mangyari sa kanyang buhay ay hindi dapat pinahihintulutan ni Dela Rosa sa gitna ng pagdinig sa Senado.

“Wala ‘yan sa character ni Pangulo. Wala tayong alam na nagpapapatay siya tulad ni Duterte. Very offensive ito at sana hindi pinayagan ni Sen. Dela Rosa ang ganitong accusations. Hindi niya dapat binigyan ng ganitong safe space si Mr. Jonathan lalo at alam natin na walang ganyang history si Pangulong Marcos Jr. Dapat may basehan sa mga akusasyon dahil resources ng bayan ito at pera ng tao,” giit pa ni Trillanes.

Samantala, si Dela Rosa na siyang chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs ay nagsabing dapat lamang aniyang maalisan ng maskara ang sinomang nasa likod ng mga dokumento na umano’y mula sa PDEA na sumisira sa imahe at pangalan ng Pangulo.

Sa naturang dokumento, idinadawit si Marcos Jr. at ang aktres na si Maricel Soriano na nasa listahan umano ng PDEA Operate and Pre-Operation noong Marso 11, 2012, na mariin namang pinabulaanan ng PDEA at tinawag pa nila itong fake documents.

Ang susunod na pagdinig ani Dela Rosa ay nakatakda na sa Mayo 7 kung saan ay iimbitahin din ang vlogger na si Claire Contreras, aka Maharlika, para magpaliwanag ng kanyang partisipasyon sa pagkalat ng nasabing dokumento.

Napagalaman din na posibleng dumalo ang aktres na si Soriano na ayon sa balita ay handang magsalita sa susunod na pagdinig.