Driver

Truck driver nasalpok, tigok sa van, suspek nasakote

271 Views

ARESTADO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), ang 35-anyos na lalaki na tumakas matapos masalpok at mapatay ang isang truck driver sa Payatas Road malapit sa Petron Gas Station, Barangay Payatas, sa lungsod nitong Martes gabi.

Kinilala ni District Traffic Enforcement Unit (DTEU) chief, P/Lt. Col. Geoffrey Lim, ang suspek na si alyas “Mark Joseph”, 35, at residente ng Batasan Hills, Quezon City.

Sa imbestigasyon, bandang 10:40 ng gabi, ipinarada ng 46-anyos na biktima ang kanyang garbage truck para mag-diskarga ng mga nakolektang basura nang biglang umusad ang sasakyan.

Habang tumatakbo ang biktima sa driver’s cabin para makontrol ang sasakyan ay bigla siyang nasalpok ng dumaraang Wing Van Truck na minamaneho ng suspek na agad tumakas.

Isinugod ang biktima sa Rosario Maclang Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival alas-11:31 ng gabi.

Bandang alas-7:00 ng umaga nitong Setyembre 3, naglunsad ng hot pursuit operation ang DTEU na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa Montalban, Rizal.