Calendar

Tsino nasa blacklist order, di pinapasok sa Pilipinas
BILANG tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad ng hangganan at pigilan ang pagpasok ng mga hindi kanais-nais na indibidwal, tinanggihan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpasok ng isang Tsino na convicted ng kasong kriminal.
Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Mayo 29 si Shi Baoyi, 36, mula sa Hanoi, Vietnam.
Pagdating niya, agad siyang na-flag ng mga opisyal ng imigrasyon matapos matukoy na ang kanyang pangalan ay tumutugma sa blacklist order.
Nahatulan si Shi sa Henan province, Tsina noong 2022 para sa undermining credit card administration at sinentensyahan ng dalawang taon at anim na buwang pagkakabilanggo.
Bukod pa rito, may iba pa siyang kasong kinakaharap kaya’t siya ay itinuring na hindi kanais-nais at isang pugante sa batas.
Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na sa kabila ng mga tangkang hadlangan ni Shi ang proseso ng kanyang pagpapatalsik—kabilang ang pag-untog sa ulo sa glass shield ng isang fire extinguisher case—ipinagpatuloy pa rin ng ahensya ang kanyang pagpapatalsik.
Agad namang nagresponde ang mga medical personnel at binigyan siya ng kinakailangang lunas.
Noong Hunyo 9, siya ay pormal na isinuko sa mga awtoridad ng Tsina at sumakay sa isang China Southern flight patungong Guangzhou, kaya’t tuluyang naipatupad ang kanyang pagpapatalsik mula sa teritoryo ng Pilipinas.
“Walang kahit anong pagtatangka ng paglaban ang makapipigil sa amin sa pagpapatupad ng batas,” ani Viado.