Calendar
Tulfo pinapaayos sa NAIA mga CCTV sa loob ng 48 oras
BINIGYAN ni Senador Raffy Tulfo nitong Miyerkules ng 48 oras ang Manila International Airport Authority (MIAA) para magsumite ng buong ulat sa kalagayan ng mga CCTV sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ayusin ang mga hindi gumagana.
Ginawa ito ni Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, matapos sabihin ng French national na si Anthony Claude Boukhors na walang kahit isang camera sa Grab pick-up area ng NAIA Terminal 1, kung saan natangay ang kanyang bagahe noong Oktubre 20.
Sa parehong pagdinig, inanunsyo ni Tulfo na nabawi na ang tatlong luxury watch ni Boukhors at nasa kanyang kustodiya na.
Isinuko raw ito ng bumili sa isang tindahan sa Baclaran. Aabot sa mahigit ₱18 milyon ang halaga ng mga relo batay sa presyo nito online, ayon kay Tulfo.
“I have under my custody your three watches,” ani Tulfo kay Boukhors, na nasa Tokyo at sumali sa pagdinig online. Ibabalik daw ang mga relo pagbalik ni Boukhors sa bansa sa susunod na linggo.
“And all of this pick-up area where actually most of the passengers are waiting for their ride, there is zero camera,” sabi ni Boukhors. Marami rin daw ang nagpadala sa kanya ng mensahe na nangyari rin sa kanila ang ganitong insidente.
Kinuwestyon ni Tulfo ang airport authorities kung bakit hinahayaang gumala sa paliparan ang suspek, gayong kilala na raw ito sa ganitong modus.
Ayon sa kinatawan ng Airport Police Department, hindi sila pinapayagang mag-deploy sa curbside o labas ng terminal. Batay daw sa airport security program na pinirmahan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), tanging aviation security ng NNIC ang nakatalaga sa lugar.
Tinanong ni Tulfo kung sino ang may hawak ng CCTV sa pick-up area. Ayon kay Gio Mae De Castro ng NNIC, sa MIAA ang CCTV system na sumasaklaw doon. Gumagana naman daw ang mga CCTV ng NNIC, sa pagkakaalam niya.
Sinabi naman ng kinatawan ng MIAA na nasa 500 ang CCTV nito sa terminal at perimeter, at karamihan ay gumagana. Pero may ilang tinanggal daw matapos ang takeover ng NNIC.
“Within 48 hours, I want you to submit to this committee a full report tungkol sa status ng CCTV,” ani Tulfo sa MIAA. “And I want it fixed.”
Ipinag-utos din niya na malagyan ng CCTV sa loob ng 48 oras ang mga lugar na wala pa nito, bago ang Undas. Dapat din daw may access sa CCTV ang lahat ng ahensya, kabilang ang airport police at PNP Aviation Security Group, at hindi lang ang NNIC.
Iminungkahi rin ni Tulfo na rebyuhin ang kontrata ng NNIC para payagang magbantay ang airport police sa labas ng terminal. Dapat din daw mag-deploy ng mga naka-unipormeng tauhan para mapigilan ang mga magnanakaw.
Ayon kay Tulfo, ibinenta ng suspek ang mga relo sa halagang ₱120,000 sa isang tindahan ng segunda-manong relo sa Baclaran. Inirekomenda raw niya sa mga awtoridad na imbestigahan ang bumili.
Kinuwestyon din ni Boukhors kung paanong ang isang lehitimong negosyante ay bibili ng bagaheng may tatlong mamahaling relo nang hindi nagdududa o tumatawag sa pulis.
Mariing tinutulan ni Tulfo ang pagbibigay ng ₱1 milyong pabuya sa suspek. “I want him to go to jail because he’s a recidivist,” aniya. Sumang-ayon si Boukhors na hindi niya ibibigay ang pabuya sa suspek.
Nilinaw din ni Tulfo na hindi sumuko ang suspek. Isang miyembro raw ng intelligence unit ng Quezon City Police ang nagbigay ng tip sa kinaroroonan nito.
Sinabi ni Boukhors na para sa personal na gamit ang mga relo at hindi niya ibebenta.

