Tulfo1

Tulfo prayoridad Medical Parole Law para sa mga seniors sa preso

21 Views

KAPAG ikaw ay preso na 70 years old na, at may karamdaman na, dapat palayain ka na ng pamahalaan. Isusulong ko po iyan. Pangako po.”

Ito ang naging pahayag ni incoming Senator Erwin Tulfo sa mga Persons Deprived of  Liberty (PDLs) nang bumisita siya sa Minimum Security Facility ng New Bilibid Prison  noong Hunyo 10.

Ayon kay Tulfo, kasama sa prayoridad niyang maisabatas sa Senado ay dapat magkaroon ng ‘medical parole’ ang mga matatandang PDLs, lalo na ang mga may karamdaman.

“Kailangan din po ng mga matatandang PDLs na bumalik sa kanilang buhay at ma-enjoy naman ang nalalabi nilang panahon,” pagdidiin ni Tulfo.

Dagdag ng mambabatas: “Tutulong po ako sa inyo sa abot ng aking makakaya bilang Senador, di lang po ako kundi pati ang aking kuya na si Sen. Raffy Tulfo. Malapit po kayo sa amin.”

Para mas lumuwag ang mga kulungan sa bansa, isusulong din ni Erwin Tulfo ang isang correctional reform kung saan pag-iisahin na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).

“Kasi ang problema po ngayon, dahil walang ugnayan ang BJMP at BuCor, iyong Good Conduct and Time Allowance na kinita ninyo sa BJMP, minsan hindi nadadala sa BuCor kaya humahaba. Dapat pag-isahin na lang para tuloy-tuloy ang record,” saad ni Tulfo.

Inihayag naman ni BuCor Director General Gregorio Catapang na suportado ng buong kawanihan ang isinusulong ni Tulfo na nakikita niyang daan para masolusyonan ang gitgitan sa mga kulungan.