Tulfo

Tulfo sinabon NBI dahil sa issue ng mga Tsino na may PH birth certificate

135 Views

PINAKAKASUHAN ni Sen. Raffy Tulfo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dating mayor sa Davao del Sur kasama ang kanyang mga tauhan dahil sa graft and corrupt practices.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Sen. Tulfo, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na umaabot na sa 1,200 Chinese nationals ang nabigyan ng Filipino birth certificates sa pamamagitan ng late registration sa loob ng termino ng nasabing local chief executive.

Inamin ng NBI kay Sen. Tulfo na hanggang ngayon, wala pa rin silang anumang kasong naisasampa laban sa mga tao mula sa Local Civil Registrar’s Office (LCR) at Philippine Statistics Authority (PSA) na umano’y nagsabwatan sa pagbigay ng Filipino birth certificates sa foreign nationals na nag apply ng late registration.

Dito napikon si Sen. Idol at nasabon ang NBI dahil deka-dekada na pala itong nangyayari at wala pa ni isang taong sangkot ang nakasuhan at nakulong.

Pinakakasuhan din ni Sen. Tulfo sa Land Transportation Office (LTO) ang mga dating opsiyal nito, partikular na ang dalawang dating assistant secretary at ang mga miyembro ng kanilang Bids and Awards Committee dahil sa maanomalyang pagbili sa alcohol breath analysers.

Sa imbestigasyon ng komite ni Sen. Tulfo, maliwanag na nagkaroon ng overpricing sa procurement ng breath analysers na nagkakahalaga ng P10.2 million noong 2015 at P23.512 million noong 2017.

Ang masaklap pa, napakarami rito depektibo at di napakinabanagan.

Inatasan din ng senador ang Department of Transportation (DOTr) na sampahan ng kaso si dating Transportation Secretary Jun Abaya dahil sa kuwestiyonableng kontrata at pagtanggap ng depektibong Dalian trains na nagkakahalaga ng P3.759 billion.