NCICP Source: FB post

Tuloy-tuloy na daloy ng producto sa CV inaashan

Jun I Legaspi Feb 5, 2025
12 Views

INAASAHANG tuloy tuloy na daloy ng mga produkto at serbisyo sa pangunahing daungan ng kargamento sa Central Visayas sa mga susunod na taon matapos pangunahan ng Department of Transportation (DOTr) at Cebu Port Authority (CPA) ang groundbreaking ceremony ng New Cebu International Container Port (NCICP) nitong Miyerkules—isang maritime infrastructure na inaasahang magdadala ng malaking benepisyo sa mga gumagamit ng pantalan, lokal na komunidad, at pamahalaan.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime J. Bautista, ang NCICP ay tutugon sa pagsisikip sa Cebu Base Port sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malaking espasyo para sa mga sasakyang pandagat at kargamento, na magpapabilis ng operasyon at turnaround ng mga barko, habang pinapaganda rin ang pasilidad sa paghahakot at pag-iimbak ng mga container.

“Ang pagbabahagi ng espasyo sa pantalan ay magbubukas ng daan para sa mas maayos at tuluy-tuloy na daloy ng mga produkto at serbisyo, na magtitiyak ng isang mas matatag at masiglang ekonomiya,” ayon kay Sec. Bautista sa ginanap na seremonya sa Barangay Tayud, Consolacion, Cebu.

Binigyang-diin din ni Sec. Bautista ang iba’t ibang benepisyo ng NCICP—pagpapagaan ng pagsisikip sa logistics chain, pagpapabilis at pagpapababa ng gastusin sa transportasyon ng mga produkto, habang pinahuhusay ang competitiveness ng mga lokal na negosyo at industriya.

“Ang mga benepisyo ng proyektong ito ay hindi lamang limitado sa pisikal nitong istruktura. Inaasahang magbibigay ito ng malawak na hanay ng mga pakinabang sa mga gumagamit ng pantalan, lokal na komunidad, at pampublikong sektor,” dagdag pa ng Kalihim.

Aniya, ang bagong cargo port ay makakatulong sa pagbabawas ng gastos sa paghihintay ng mga barko, pagpapababa ng bayarin sa transportasyon ng kargamento, at pag-iwas sa mga karagdagang gastos na dulot ng pagsisikip sa pantalan.

Bukod dito, inaasahan ding lilikha ito ng mas maraming trabaho, magbibigay ng oportunidad sa mga lokal na negosyo, magpapasigla sa industriya sa rehiyon, magpapalakas sa global competitiveness ng mga industriya sa Cebu, at magtatatag sa Cebu bilang isang regional logistics hub.

Samantala, sinabi ni Sec. Bautista na makikinabang din ang pambansa at lokal na pamahalaan sa mas mataas na kita mula sa buwis at mas mababang gastusin sa kapaligiran dahil sa mas episyenteng operasyon at makabagong teknolohiya.

Ang proyekto, na nagkakahalaga ng P16.93 bilyon, ay ipinatutupad sa ilalim ng official development assistance (ODA) mula sa Export-Import Bank of Korea (KEXIM) at sa tulong ng transaction adviser na International Finance Corporation ng World Bank.

Target na makumpleto sa ikalawang kwarter ng 2028, ang NCICP ay itatayo sa isang 25-ektaryang reclaimed island na may 500-metrong berth length at 12-metrong lalim ng tubig.

May kakayahang tumanggap ng dalawang barko na may kapasidad na 2,000 twenty-foot equivalent units (TEU), ang NCICP ay magkakaroon ng limang quay cranes at isang access road na may habang 1,365 metro upang ikonekta ang bagong pantalan sa pamamagitan ng isang 300-metrong offshore bridge.