Janella

Unang paglipad ni Darna pinuri

Eugene Asis Aug 17, 2022
226 Views

JaneJane1

NAG-UMPISA na ang makabagong paglalahad ng ABS-CBN sa kwento ng pinakakilalang Pinay superhero sa “Mars Ravelo’s Darna” na pinagbibidahan ni Jane De Leon at tumanggap ng maraming papuri at suporta at sadyang tinutukan ng mga manonood.

Umabot sa 296,334 ang live concurrent viewers ng unang episode sa Kapamilya Online Live sa YouTube, kung saan ipinakilala na ang karakter ni Jane na si Narda Custodio, ang nanay niyang si Leonor (Iza Calzado), kapatid na si Ding (Zaijian Jaranilla), at Lola Berta (Rio Locsin).

Nabigyang-linaw sa episode kung paano napunta sa Earth ang unang Darna na si Leonor mula sa planeta niyang Marte, at ipinakita rin ang kapasidad niya bilang Darna habang kinakalaban niya ang isang alien na umatake sa kanilang bayan.

Nalaman na rin ni Narda ang pagiging superhero ni Leonor at ang tadhana niya bilang susunod na protektor ng mahiwagang bato. Samantala, napanood din ang isang eksena kung saan may misteryosong babaeng karakter na tila nalason ng elemento mula sa alien na nilalang, na tila ba inilalarawan kung paano magiging babaeng ahas na si Valentina ang karakter ni Janella Salvador na si Regina.

Bukod kina Jane, Zaijian, Janella, Rio, at Iza, ipinakilala na rin si Joshua Garcia sa unang episode bilang Brian Robles, isang kaibigan ni Narda na sinubukan niyang iligtas mula sa mga bully.

Matapos ang ilang taong paghihintay, hindi napigilan ng netizens na magpahayag ng paghanga para sa “Mars Ravelo’s Darna,” lalo na at nanguna sa Twitter trend list worldwide at sa Pilipinas ang hashtag #Darna. Marami rin ang pumuri sa visual effects, fight scenes, at nakaka-inspire na mensahe ng serye.