Valeriano

Valeriano ikinagalak tuluyang ban vs POGO sa PH

Mar Rodriguez Feb 15, 2024
170 Views

IKINAGALAK ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagkakalusot sa committee level ng panukalang batas na tuluyang nagba-ban sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas.

Nabatid kay Valeriano na lumusot na sa House Committee on Games and Amusement ang panukalang batas na nagsusulong para pormal ng i-ban o ipagbawal ang pamnanatili at operasyon ng POGO sa bansa.

Dahil dito, pinaboran ni Valeriano ang pagkakalusot ng House Bill No. 5082 na inakda ng kapwa nito Manilenyo na si Manila 6th Dist. Cong. Bienvendo “Benny” M. Abante at House Bill No. 1197 na inakda naman Cagayan de Oro City 2nd Dist. Cong. Rufus B. Rodriguez na pareng tumatahak sa iisang layunin.

Binigyang diin ni Valeriano na napapanahon na ang pagkakapasa ng dalawang panukalang batas upang tuluyan ng mapahinto ang operasyon ng POGO sa Pilipinas na matagal na aniyang sakit ng ulo ng pamahalaan.

Sinabi ng kongresista na ang POGO ay bahagi ng “multimilyon-pisong” gambling industry na naghahatid ng malaking revenue, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Subalit sa kabila nito’y pinamumugaran naman ito ng iba’t-ibang illegal activities.

Ipinaliwanag ni Valeriano na bagama’t malaki ang kinikita ng pamahalaan mula sa ipinapasok na revenue ng POGO. Subalit ang kapalit naman umano nito ay napakalaking peligro dahil puno ng illegal activities ang POGO gaya ng money laundering, illegal immigration, kidnapping, prostitution at iba pang mararahas na krimen na kinasasangkutan ng mga tauhan ng POGO.

Ayon kay Valeriano, lumabas din sa daos ng Philippine National Police (PNP) na sa loob lamang ng anim na buwan noong nakaraang taon (2023) ay umabot sa 4,039 ang mga naging biktima sa mga POGO related crimes.