Valeriano

Valeriano: Pahayag ni Chong vs FL Liza Marcos sampal sa lahat ng mga nanay

Mar Rodriguez Mar 20, 2024
133 Views

BINIGYANG DIIN ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na ang binitiwang pahayag ni dating Biliran Rep. Glenn Chong laban kay First Lady Liza Araneta-Marcos ay lantarang paglapastangan sa mga kababaihan at maituturing na isang sampal sa lahat ng mga Nanay.

Ipinaliwanag ni Valeriano, na malapit at mapagmahal sa kaniyang ina, na ang “actuation” ni Chong laban sa Unang Ginang matapos nitong ipahayag na kaniyang sasampalin ito (FL Liza Marcos) ay maituturing na pagsampal sa lahat ng nanay dahil ang sinabihan nito ay isa ring ina.

Sinabi ni Valeriano na hindi nito inaalis ang karapatan ni Chong na magpahayag ng kaniyang saloobin patungkol sa ilang issue. Subalit iginigiit ng kongresista na hindi dapat mauwi sa pame-mersonal ang pagpapahayag nito ng kaniyang sentimyento sa puntong babastusin nito ang isang babae.

Ayon kay Valeriano, ang mga kababaihan tulad ng Unang Ginang ay kawangis ng ating ina. Kaya nararapat lamang na bilang lalake ay ibigay natin ang nauukol na respeto para sa mga kababaihan may pagkakamali man ito o wala.

Sinasang-ayunan din ng kongresista ang panawagan ng mga kapwa nito mambabatas na kailangang mag-public apology si Chong kay Ginang Marcos-Arante kasunod ng kaniyang naging banta dito.

Nauna ng sinabi ni MALASAKIT@BAYANIHAN Party List Cong. Anthony Rolando T. Golez, Jr. na hindi dapat sinasampal ang mga babae “rhetoric” man o ito’y isang biro gaya ng naging asal ni Chong laban sa Unang Ginang.

Ipinaalala nina Valeriano at Golez na mayroong batas laban sa karahasan sa mga kababaihan kaya dapat maging ang sinomang kalalakihan na magbinitiw ng mga masasakit na pahayag laban sa mga babae.

“Ang pagsasabing sasampalin mo ang isang babae ay para narin pagsampal sa ating ina. Wala naman lakake ang papayag na sampalin ang kaniyang nanay, kaya hindi tama ang ganoong pahayag dahil ito ay insulto sa ating Ina,” sabi ni Valeriano.