Rep Valeriano

Valeriano: Para siyang lutang

Mar Rodriguez Dec 4, 2024
55 Views

PARA na siyang lutang.

Ito ang tugon ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano patungkol sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na panalo na umano sana siya noong 2022 presidential election kung hindi siya nagpaubaya kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Binigyang diin ni Valeriano na mayroong isinagawang internal survey sa Kamara de Representantes noong 2021 kung saan sina Pangulong Marcos, Jr., dating Vice President Leni Robredo at dating Mayor Isko Moreno ang pumasok sa naturang survey bilang mga presidentiables subalit nasa kulelat o nasa hulihan naman aniya si VP Sara.

Ipinaliwanag ng kongresista na bagama’t matingkad ang popularidad ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. hindi ito nangangahulugan na si VP Sara na ang mananalo sa pagka-Pangulo noong 2022 elections.

Sabi pa ni Valeriano na wala rin malawak na pondo ang PDP habang maliit na partido lamang umano ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) kaya maaaring wala rin kakayahan ang dalawang partido politikal na madala at maipanalo si VP Sara sa pagka-Pangulo gaya ng ibinibida umano nito.

Samantala, ipinahayag din ni Veleriano na malakas ang kaniyang paniniwala na ang tinaguriang si “Mary Grace Piattos” ay posibleng kathang isip lamang at hindi naman talaga totoong tao gaya ng pinalulutang ng kampo ni VP Sara Duterte.

“Mary Grace Piattos is but a sample of the fictitious names among the apparently forged acknowledgement receipts prepared by the cohorts amd co-inspirators,” sabi nito.

Dahil dito, sabi pa ng mambabatas na dapat abangan kung ano ang mga susunod na hakbang na gagawin ng kampo ni Duterte para lamang ilagay sa katwiran o i-justify ang kanilang mga pambubudol.

“Abangan natin kung ano na namang spin at pakulo ang gagawin ng mga Duterte tungkol dito,” dagdag pa ni Valeriano.

To God be the Glory