Calendar
Valeriano pinaalalahanan uniformed personnel na huwag masangkot sa pakiki-apid habang nasa serbisyo
PINAALALAHANAN ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang mga nagtatrabaho sa pamahalaan partikular na ang mga nasa hanay ng uniformed personnel gaya ng mga sundalo, pulis at miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sikapin nilang huwag masangkot sa isang “extra-marital affairs” o pakiki-apid sa kanilang kabaro.
Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na dapat magsilbing magandang halimbawa ang mga miyembro ng uniformed personnel sa publiko. Kung kaya’t hangga’t maaari ay kailangan nilang iwasan ang pumatol sa may asawa lalo na kung ang papatusin umano nila ay may asawa narin o isang pamilyado.
Ang ibibigay na reaction ni Valeriano ay alinsunod sa lumabas na ulat sa isang pahayagan na isang empleyado ng BFP na isa ring rehistradong nurse (RN) ang kasalukuyang nahaharap sa kaso matapos siyang pormal na ireklamo sa Professional Regulation Commission (PRC) Board of Nursing na may kinalaman imoralidad.
Ayon sa nasabing ulat, isinampa ni Gng. Faiza Mutlah Utuali ang reklamo laban kay Senior Fire Officee 2 (SPFO-2) Reyca Janisa P. Palpallatoc, isang Registered Nurse at miyembro ng BFP, dahil sa di-umano’y immoralidad matapos umano itong makipag-relasyon sa mister ni Utuali na isa naman opisyal ng Marine na natanggal sa serbisyo.
Nananawagan si Utuali sa PRC na bawiin nito ang lisensiya ni Palpallatoc bilang nurse bunsod ng paglabag umano nito sa pamantayan ng etika at moralidad na inaasahan mula sa isang lisensiyadong nurse.
Dahil dito, ipinaliwanag pa ni Valeriano na hindi magandang tingnan lalo na sa mata ng publiko na ang isang tauhan ng gobyerno partikular na kung siya pa naman ay kasapi ng uniformed personnel na masasangkot sa kahalintulad na kaso sapagkat ang imahe mismo ng pamahalaan ang masisira sa mga ganitong eskandalo at iba pang kontrobersiya.
Gayunman, ipinahayag ng kongresista na normal lamang sa isang tao ang umibig at ibigin. Subalit tila hindi na aniya matatawag na normal kung ang maturang “pag-ibig” ay ipinagbabawal dahil kapwa mayroon ng pananagutan ang mga nasasangkot. Kung saan, ang kanilang mga pamilya ang pangunahing maaapektuhan dito.
Ayon pa kay Valeriano, dahil sa palagay ni Gng. Utuali na siya ay nadehado at naagrabyado, ginawa lamang nito ang nararapat sa pamamagitan ng paghaharap ng reklamo bilang nakikita nitong solusyon sa problema.
“We understand that love affairs happen among humans. But when family is destroyed due to this and feelings and disposition of the wife and family suffers. They have the right to resort to acceptable means to redress their grievances,” wika nito.
Muling ipinaalala ng mambabatas na ang bawat mamamayan naglilingkod man sa gobyerno o hindi ay mayroon aniyang obligasyon na respetohin ang karapatan ng kanilang kapwa lalo na kung ito ay mayroon ng pananagutan o isang pamilyadong tao.
“When we engaged in our professions. We too, have the obligations to respect the rights of others including the right to a peaceful family life,” sabi pa ng kongresista.