Valeriano

Valeriano: Quiboloy dapat lumantad, sagutin mga akusasyon

Mar Rodriguez Feb 29, 2024
175 Views

IGINIIT ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na kailangang lumantad ni Kingdon of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo C. Quiboloy para sagutin ang samu’t-saring akusasyon laban sa kaniya. Kabilang ang reklamong “sexual abuse” o pangmo-molestiya sa mga babaeng miyembro nito.

Ipinagtataka ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, kung bakit ngayon pa naisipang magtago ni Quiboloy matapos maghain ng subpoena ang Senado at Kongreso. Gayong noong 2018 pa nagsimula ang kaniyang kaso sa Estados Unidos (US).

Hindi maiwasan ni Valeriano ang magpahayag ng pagdududa kung bakit sinsikap magtago ni Quiboloy sa mga panahong naglabas na ng subpoena ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality at House Committee on Legislative Franchises.

Dahil dito, hinahamon ng kongresista ang lider ng KOJC na lumantad para harapin ang mga serysosong akusasyon laban sa kaniya. Kabilang ang kaso ng pang-aabuso umano ng Pastor sa mga babaeng menor-de-edad at ang kaso ng pagmamalabis o pananakit nito sa ilang kalalakihan.

“Quiboloy himself says his cases in the United States started in 2018. Why did he have to hide just now all of a sudden when his alleged gruesome practices as chief of his sect were exposed in the Senate? He used to be all over media liberally commenting. Now, he suddenly hides himself,” sabi ni Valeriano.

Sinang-ayunan din ni Valeriano ang pahayag ng kapwa nito mambabatas na kailangang igalang ni Quiboloy ang Senado at kamara de Representantes kaugnay sa prosesong sinusunod ng dalawang kapulungan matapos itong padalhan ng subpoena para humarap sa kanilang imbestigasyon.

Binigayng diin ng mambabatas na prerogative aniya ng Senado at Kongreso na anyayahan sa isinasagawang imbestigasyon ang sinomang indibiduwal bilang resource person para magbigay ng linaw sa isang issue.