Rolando Valeriano

Valeriano sang-ayon na imbestigahan deepfake audio ni PBBM

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
91 Views

SINASANG-AYUNAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa “deepfake audio” ni President Bongbong R. Marcos, Jr. na nagbibigay ng direktiba sa militar laban sa mga umaangkin sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na isa lamang ang pakay at motibo ng nagpakalat ng deepfake audio kundi ang mapasama si Pangulong Marcos, Jr. na mistulang nagpapasiklab ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sinabi ni Valeriano na hindi naman lingid sa kalaaman ng mga Pilipino na ang China ang nangungunang bansa na numero-unong karibal ng Pilipinas usapin ng territorial dispute sa West Philippine Sea (WPS).

Ipinaliwanag pa ni Valeriano na napakahalagang matukoy at mapanagot ang mga taong nasa likod ng pagpapakalat o dissemination ng nasabing “audio-video” sapagkat “national security” ng bansa ang nakataya dito na maaaring pagmulan ng matinding hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ayon kay Valeriano, mistulang gasolina ang deepfake audio na lalong magpapasiklab sa uminiit na hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China. Kung saan, maaaring ito ang motibo ng mga taong nagpakalat nito upang lalong gatungan at pagliyabin ang umiigting na alitan ng dalawang bansa.

Kinakatigan din ng kongresista ang mungkahi na kinakailangang maimbestigahan ang naturang issue na pangungunahan ng mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrimes Investigation and Coordinating Center.

“Hindi dapat palampasin ang mga ganitong napakasamang gawain. Isa lamang ang nakikita nating dahilan nito, ito ay ang lalong pasiklabin ang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China. Hindi dapat hayaan na lamang ang mga utak-kriminal na ito na manatili sa kanilang masamang gawain,” wika ni Valeriano.