Vargas

Vargas: Iminungkahi isama sa GSIS coverage elected, appointed bgy execs

Mar Rodriguez Sep 28, 2023
234 Views

IMINUNGKAHI ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Partick Michael “PM” D. Vargas na maisama sa coverage ng Government Service Insurance System (GSIS) ang mga elected at appointed Barangay officials kabilang na ang mga Barangay Sangguniang Kabataan (BSK).

Kinikilala ni Vargas ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga Barangay officials partikular na ang mga BSK na ihinalintulad nito sa isang “dugo” na nagbibigay buhay sa national government.

Kung kaya’t binigyang diin ni Vargas na nararapat lamang aniya na mabigyan ng kaunting benepisyo ang mga Barangay officials at BSK sa pamamagitan ng insurance system tulad ng GSIS bilang kanilang “security tool”.

Dahil sa mungkahing ito, inihain ni Vargas ang House Bill No. 3355 sa Kamara de Representantes upang magkaroon ng GSIS benefits ang mga opisyal ng Barangay alinsunod sa itinatakda ng panukala na may pamagat na “Mandatory GSIS Coverage para sa mga Barangay Officials Act”.

Ipinaliwanag ng kongresista na mula ng itatag ang Barangay Election Act of 1982. Ang tanging inaasahan lamang ng mga Barangay officials ay ang kanilang kakarampot na sinasahod at limitadong benepisyo sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin at paglilingkod sa kanilang Barangay.

Sinabi pa ni Vargas na kahalintulad na panukala ang inihain ng kaniyang kapatid na si dating Quezon City Cong. Alfred Vargas na nagsasaad na dapat magkaroon ng karagdagang benefits para sa mga Barangay officials para mapangalagaan nila ang kanilang sarili maging ang kanilang pamilya.

“As the Barangay and Sangguniang Kabataan Elections is fast-approaching. It is high time to take care of incoming barangay officials who serve as our partners in our contribution to nation-building,” ayon kay Vargas.