Vargas pinapurihan mahusay na pamumuno ni Speaker Martin G. Romualdez

Mar Rodriguez Jan 2, 2025
21 Views

SA PAGPASOK ng bagong taon (2025), pinapurihan ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa maganda, maayos at mahusay na pamumuno nito na pinatunayan naman ng napakaraming panukalang batas na naipasa ng 19th Congress noong nakaraang taon (2024).

Partikular na pinapurihan ng House Assistant Majority Leader ay ang napakaraming panukala na sinikap ng liderato ng Kamara de Representantes na maipasa bago matapos ang 2024. Umabot sa 13,454 panukalang batas ang naipasa ng Mababang Kapulungan habang 166 dito ang naging ganap na batas.

Pinapurihan at pinasalamatan din ni Varas ang mga kasamahan nitong kongresista na binubuo ng 307 miyembro dahil sa kooperasyong ibinigay nila upang makapasa sa ikatlo at huling pagbasa ang mga mahahalagang panukalang batas na ang karamihan ay naglalayong mapaunlad ang ekonomiya ng bansa.

Ayon pa kay Vargas, ang tagumpay na nakamit ng Kamara de Representantes sa pamamagitan ng napakaraming panukalang naipasa ay nangangahulugan lamang na mahusay ang pamumuno ni Speaker Romualdez bilang lider ng Mababang Kapulungan na itinuturing na kauna-unahan sa mahabang kasaysayan ng Kongreso.

Paliwanag ng kongresista na mismong ang mga datos ang magpapatotoo, sapagkat mula Hulyo 25, 2022 hanggang Disyembre 27, 2024 sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez, umabot sa 13,454 panukala ang inihain habang 4,760 panukala naman ang naiproseso sa loob lamang ng 178 session days.

Binigyang diin pa ni Vargas na naging produktibo din ang lahat ng Komite sa Kamara sa pangunguna ng House Quad Committee na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers upang maisiwalat ang katotohan patungkol sa mga kontrobersiyal na usapin kagaya ng war-on-drugs campaign ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at extrajudicial killings (EJK).