Villafuerte

Villafuerte pinabibilisan sa DA libreng ASF vaccine

30 Views

Para maparami populasyon ng baboy, mapababa presyo ng karne

HINIMOK ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang Department of Agriculture (DA) na pabilisin at palawakin ang pamamahagi ng libreng bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) para sa mga backyard hog raisers upang mabilis na maparami ang populasyon ng mga baboy at mapababa ang presyo ng karne ng baboy sa bansa.

Pinuri ni Villafuerte, pangulo ng National Unity Party (NUP), ang DA sa paglulunsad ng libreng bakuna para sa mga alagang baboy ng mga backyard o small-scale growers. Ang panukalang ito ay una na niyang iminungkahi noong Hunyo 2023 bilang bahagi ng mga hakbang upang pigilan ang pagkalat ng ASF, dagdagan ang supply ng baboy, at patatagin ang presyo ng karne.

“All being well, consumers can look forward to significantly higher local pork output and cheaper retail prices in the market afterwards before the year is over with the government’s rollout at last of free anti-ASF vaccines for the hogs of small or backyard raisers,” ani Villafuerte, isang dating gubernador ng Camarines Sur.

“We are hoping that the DA, through its BAI (Bureau of Animal Industry), will accelerate its free vaccine rollout and expand the number of beneficiary-hog raisers so the higher domestic pork supply and cheaper retail cost of liempo, kasim and other pork products can happen sooner than later this year,” dagdag pa nito.

Paliwanag ni Villafuerte, ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa ASF sa mas maraming maliliit na magbababoy ay makakatulong upang mapalakas ang produksyon ng baboy sa bansa at mapababa ang presyo ng karne, lalo na’t 70% hanggang 80% ng lokal na produksyon ay mula sa backyard growers.

Sinabi rin niya na kahit may repopulation program ang DA para sa mga baboy, maraming local growers ang nagdadalawang-isip na mamuhunan nang malaki dahil sa kakulangan ng immunization program laban sa ASF.

Batay sa datos ng BAI noong Enero 10, may mga ulat ng ASF cases sa 34 na bayan sa 11 probinsya, kabilang ang North Cotabato (86 kaso), Kalinga (15 kaso), at Bohol (8 kaso).

Dagdag pa ni Villafuerte, noong Hunyo 2023, iminungkahi niya ang apat na hakbang upang tuluyang masugpo ang ASF outbreaks at maibalik ang mas mataas na supply ng baboy. Ang mga hakbang na ito ay:
– Pagdeklara ng state of emergency sa mga lugar na apektado ng ASF upang magamit ang contingency funds.
– Pagpapabilis sa proseso ng rehistrasyon ng bakuna laban sa ASF na gawa sa Vietnam.
Paghingi ng karagdagang pondo ng DA-BAI para sa pagbili ng bakuna at pagpatupad ng immunization drive.
– Pagbibigay ng subsidiya ng gobyerno para sa bakuna ng mga maliliit na hog raisers.

Sinabi pa ni Villafuerte na ang mga hakbang na ito ay makakatulong upang matapos ang kakulangan ng supply ng baboy, mabawasan ang pangangailangan na mag-angkat, at mapababa ang presyo ng karne sa bansa.

Samantala, inanunsyo naman ni Pangulong Marcos sa isang livestock event na natapos na ang unang bahagi ng safety at efficacy trials ng anti-ASF vaccine, na napatunayang 80% epektibo at ligtas para sa mga lokal na baboy.