House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

VP Duterte binalikan sa pahayag ukol soberanya, ipinaalala na pro-China ang ama

26 Views

IPINAALALA kay impeached Vice President Sara Duterte na pro-China ang paninindigan ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa isyu ng West Philippine Sea (WPS), bilang tugon sa pahayag nito na isinuko ng Pilipinas ang soberanya nito nang ipatupad ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang press conference, sinabi ng mga lider ng Kamara de Representantes na legal ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo na ibiniyahe sa The Hague.

“Siguro, ‘yung statement magandang i-copy paste tapos ang ilagay nila na issue tungkol doon sa WPS. Perfect po ‘yung sagot na ‘yan pag na-copy paste po tungkol sa WPS,” sabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union.

Tungkol naman sa babala ng bise presidente hinggil sa umano’y pandaraya sa darating na halalan sa Mayo 12, sinabi ni House Assistant Majority Leader Jude A. Acidre ng Tingog Party-list na hindi ito dapat bigyan ng halaga.

“It comes from an elected official who said she’ll kill the President, the First Lady and the Speaker of the House. I don’t know if you can even dignify the statement with anything,” ani Acidre.

Tinawag naman ni Ortega na pekeng balita ang pahayag ni VP Duterte.

“Ano ‘yon, diversion ulit. Alam mo naman ‘yung mga tactics nila. Pero hindi ko rin maisip-isip kung paano mangdadaya sa eleksyon, paano gagawin?…So, wala ‘yun. Fake news,” dagdag niya.

Umalis ng bansa ang bise presidente ngayong umaga upang samahan ang kanyang ama sa The Hague, kung saan siya dadalhin upang humarap sa ICC.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list, na bahagi ng House panel na mag-uusig kay VP Duterte sa nalalapit niyang paglilitis sa Senado, nakasalalay sa impeachment court ng Senado kung kinakailangang dumalo ng bise presidente sa paglilitis.

Gayunpaman, sinabi ni Bongalon na unang kailangang desisyunan ng Senado kung kailan ito magko-convene bilang impeachment trial court.

“First and foremost, the Senate should act whether or not to convene themselves as an impeachment trial court. Again, we’re not saying ito ay dapat gawin na, but it’s the Constitution, the constitutional provision that the trial by the Senate shall start forthwith. With respect to that, wala na kaming magagawa do’n. Nasa kamay na o ‘yung bola nasa Senado na. So, let’s wait and see kung kailan nila po aaktuhan ‘yan,” paliwanag ni Bongalon.

Sinabi rin ni Bongalon na ang epekto ng pagkawala ng bise presidente ay malalaman lamang kapag nagsimula na ang paglilitis.

“For now, of course as a daughter, as the Vice President, pumunta siya para mag-assist sa kanya pong tatay na si Pangulong Duterte. So hindi pa namin makita kung ano ang magiging implication nito,” dagdag niya.

Binigyang-diin din niya na kailangang personal na nasa bansa at humarap sa isang notary public ang bise presidente kung magsusumite siya ng affidavit o anumang pleading sa impeachment court ng Senado.

Muling iginiit ni Bongalon na nasa impeachment court ng Senado kung hihingin ang presensya ni VP Duterte sa paglilitis.

Gayunpaman, sinabi niyang mas nais niyang makita mismo ang bise presidente na humarap sa mga senator-judges.

“It’s up to them, whether or not for them to ask and tell the Vice President to appear before the impeachment trial court. So, ‘yung mga bagay na ‘yan, makikita natin along the way kung talagang merong necessity… Pero kung ako tatanungin, it’s better for the Vice President to appear before the impeachment trial court,” aniya.