Manuel Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel

VP Duterte inisnab budget debate, pondo ng tanggapan naipit

68 Views
Agabas
Deputy Majority Leader Marlyn Primicias Agabas

HINDI sumalang sa deliberasyon ng Kamara de Representantes ang panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) dahil sa hindi pagsipot ni Vice President Sara Duterte o ng kanyang otorisadong kinatawan sa itinakdang pagdinig ng budget sa plenaryo noong Lunes.

Sinuspinde ng Kamara ang deliberasyon alas-2:44 ng umaga noong Martes nang hindi natatalakay ang panukalang badyet ng OVP.

Batay sa listahan ng mga ahensyang tatalakayin ang badyet, sinabi ni Deputy Majority Leader Marlyn Primicias Agabas na tanging ang panukalang badyet lamang ng OVP ang hindi sumalang sa deliberasyon.

Ang pagdalo ni Duterte o ng kanyang otorisadong kinatawan ay kailangan upang matulungan ang sponsor ng badyet nito na si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa pagsagot sa mga tanong.

“We have disposed of all the items on the agenda today except for one, the budget of the office of the OVP, and we have just checked the holding room of the OVP in the House of Representatives premises and there are no persons present,” paliwanag pa ni Agabas, sa mungkahing suspensyon.

Dismayado rin si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa hindi pagbibigay ng halaga ni Duterte sa panukalang badyet ng tanggapan nito.

“Mr. Speaker, we actually waited for 17 hours since 10 a.m. of September 23 up until mag-alas tres na po ngayon, September 24,” ayon kay Manuel, sa haba ng oras na nasayang para sa paghihintay.

Sinabi ni Manuel na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakita ng kawalang-galang si VP Duterte sa Kamara, kaugnay na rin sa pag-iwas na sagutin ang mga akusasyon ukol sa mga gastusin ng OVP, pati na rin ang mga usapin noong siya ay nagsisilbi bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

“Sa unang salang sa Committee on Appropriations, naging evasive po ang nakaupong Vice President at hindi sinasagot ng tuwiran ang ating mga tanong,” ayon pa kay Manuel.

Gayundin, ayon kay Manuel, ang pagtanggi ng bise presidente na mag-oath sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, at pag-alis ng sesyon ng hindi sinasagot ang mga katanungan ng mga mambabatas.

“Sa isang hearing ng Committee on Good Government and Public Accountability, siya ay tumanggi na mag-oath at umalis tila ba ay nag-walkout sa hearing,” dagdag ni Manuel.

Napuna na rin ng mga mambabatas ang ipinapakitang pag-uugali ng bise presidente, na nagpapakita ng kakulangan ng accountability at transparency lalo na sa pondong may kinalaman sa kaniyang tanggapan.

Dagdag pa ni Manuel na ang mga pampublikong opisyal ay hindi dapat ituring ang budget bilang isang personal na karapatan.

“Kapag sitting vice president, pag nag-propose ng budget mula sa kaban ng bayan, para ang gustong iparamdam sa mga Pilipino ay bahala na kayo kung ibibigay ninyo o hindi ang hinihingi ko,” pahayag ng mambabatas.

“Pero pag ayaw niyo ibigay, masama kayo. Mr. Speaker, the OVP has continued to characterize the questions of the Filipino people regarding their past questionable expenditures as political attacks and has not taken questions seriously,” ayon kay Manuel.

Sa nakalipas na budget hearing, inakusahan si Duterte ng pagbabalewala sa mga katanungan ng mga kongresista. Inakusahan naman ni Duterte ang mga mambabatas ng pamumulitika imbis na direktang sagutin ang mga isyung dapat pagtuunan ng pansin.

“Mr. Speaker, to end, this is a clear betrayal of public trust, as every elected official is accountable to the electorate, and thus is obliged to answer any question that concerns public interest,” ayon kay Manuel.

Ang deliberasyon ng OVP ay muling itinakda ng Setyembre 24 at umaasa pa rin ang mga mambabatas na dadalo si VP Duterte at kanyang staff para sa diskusyon ng pondo ng OVP.

Hanggang Miyerkules ang panahon na inilaan ng Kamara para sa deliberasyon ng panukalang badyet.