Valeriano

VP Sara binatikos ni Valeriano sa Plenaryo ng Kamara

Mar Rodriguez Sep 5, 2024
22 Views

𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗪 𝗻𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼, 𝗸𝗮𝘆𝗮 𝗻𝗮𝘁𝗮𝘁𝗮𝗸𝗼𝘁 𝗮𝘁 𝘂𝗺𝗶𝗶𝘄𝗮𝘀 𝘀𝗶 𝗩𝗶𝗰𝗲-𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗜𝗻𝗱𝗮𝘆 𝗦𝗮𝗿𝗮 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲 𝗻𝗮 𝘀𝗮𝗴𝘂𝘁𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗸𝗮𝘁𝗮𝗻𝘂𝗻𝗴𝗮𝗻 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝗸𝘂𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗽𝗮𝗮𝗻𝗼 𝗻𝗶𝘁𝗼 𝗴𝗶𝗻𝗮𝘀𝘁𝗼𝘀 𝗮𝗻𝗴 𝘁𝗮𝘂𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗼𝗻𝗱𝗼 𝗻𝗴 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲 𝗼𝗳 𝘁𝗵𝗲 𝗩𝗶𝗰𝗲-𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗮𝘆 𝗱𝗮𝗵𝗶𝗹 𝘀𝗮𝘀𝗮𝗺𝗯𝘂𝗹𝗮𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗹𝗶𝗵𝗶𝗺 𝗸𝗮𝘂𝗴𝗻𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗴𝗸𝗮𝗴𝗮𝘀𝘁𝘂𝘀𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗢𝗩𝗣.

Sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, mariing binatikos ni Valeriano ang pa-barumbadong pag-uugali na ipinamalas ng Pangalawang-Pangulo sa pagharap nito sa budget briefing ng House Committee on Appropriations para dipensahan nito ang 2025 proposed national budget ng OVP.

Sinabi ni Valeriano na sa pagharap ni VP Sara Duterte sa nasabing budget hearing, inilantad nito aniya ang kaniyang magaspang na pag-uugali at di-umano’y baluktot na pag-iisip kasabay ng kawalan din niya ng respeto sa mga kongresista.

Ikinatuwiran din ni Valeriano na tungkulin ng Kamara de Representantes na busisiing mabuti ang panukalang budget ng bawat ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang Office of the President (OP) at OVP upang alamin kung papaano ginastos sa loob ng isang taon ang pondong ipinagkatiwala umano sa kanila ng taongbayan.

Binigyang diin ng kongresista na hindi aniya pera ng Pangalawang Pangulo at ng OVP ang budget para sa 2022, 2023, 2024 at 2025 sapagkat ito umano ay pondo mula sa buwis na ibinabayad ng mamamayang Pilipino kaya nararapat lamang na sagutin ni VP Sara ang lahat ng katanungan tungkol sa mga pinagkagastusan at pagkakagastusan ng pondong inilaan para sa OVP.

Paliwanag pa ni Valeriano na ito ang pangunahing dahilan kung bakit isinasagawa ang budget hearing sa Mababang Kapulungan ay sa kadahilanang kinakailangang malaman kung papaano ginastos ng isang ahensiya ng gobyerno ang kanilang pondo.

“Tungkulin natin dito sa Kongreso na busisiin ang panukalang budget ng OP at OVP at ang paggastos na ginawa nila sa nakaraan. Hindi pera ni VP Sara o ng OVP ang kanilang nakukuhang pondo. Iyan ay pera ng taongbayan. Kaya mayroong budget hearing para malaman ng mamamayan kung papaano nila ginastos ang pondo ng kanilang opisina,” pahayag ni Valeriano sa kaniyang talumpati.

Gayunman, sinabi pa ng mambabatas na sa halip na magpaliwanag sa mga pinagkagastusan ng kaniyang pondo ay idinaan umano ni VP Sara sa pagsisigaw, pagtataas ng boses at pagiging arogante ang pagsagot nito sa katanungan ng mga kapwa nito kongresista sa naturang budget hearing.

Ipinapalagay ni Valeriano na isang taktika ang ipinakita ni ni VP Sara na naglalayong huwag makalkal o mahalukay ng mga mambabatas ang mga sikreto o itinatagong baho kung paapano nito ginastos ang pondo ng OVP mula noong 2022.