Nasawi

15 katao na nasawi sa bagong Enteng

Chona Yu Sep 4, 2024
21 Views

UMAKYAT na sa 15 katao ang nasawi sa bagyong Enteng.

Sa situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City, iniulat ng Office of Civil Defense kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na galing ang mga nasawi sa Rizal province, Cebu City, Northern Samar, Naga City, Negros Occidental.

Nasa 21 katao naman ang naiulat na nawawala habang 15 ang sugatan.

Ayon sa Pangulo, dapat na magkaroon ng mas dynamic na assessment ang Pagasa sa pagbibigay ng babala sa lagay ng panahon.

“So kailangan natin… We have to have a more dynamic assessment. Hindi na ito ‘yung set piece kung tawagin natin. Set piece na, okay, may bagyo, padadaanin natin, pasok tayo ganoon… Hindi na ‘yung ganoon, tapos balik na tayo, withdraw na tayo. Hindi na ganoon eh,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, dapat na paghandaan ang dalawa pang parating na bagyo sa loob ng buwang ito.

Aminado si Pangulong Marcos na naubos ang stockpile ng Department of Social Welfare and Development nang dumaan ang bagyong Carina.

Pero pagtitiyak ni Pangulong Marcos, bumili na ng karagdagang supply ang DSWD at sa ngayon nagre-repack na para imapahagi sa mga nasalanta ng bagyong Enteng.