Sen. Trillanes

VP Sara hindi na magandang halimbawa — Trillanes

65 Views

Sen. TrillanesPARA kay dating Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV,dapat lamang tanggalin si Vice President Inday Sara Duterte sa puwesto sa pamamagitan ng proseso ng impeachment dahil sa mga pahayag nito.

Ito ang ipinahayag ni Trillanes matapos itong magtungo sa Kamara de Representantes para dumalo sa ika-12 pagdinig ng House Quad Committee na nag-iimbestiga sa paglaganap ng illegal na droga sa Pilipinas dahil sa mga notorious Chinese nationals.

Sinabi ni Trillanes na masyado na umanong “kinikilabutan” ang mamamayang Pilipino sa kakatwang ikinikilos ni VP Sara Duterte na hindi akma para sa isang mataas na opisyal ng gobyerno. Kabilang dito ang pagpapakawala ng malulutong na pagmumura at pagbibitiw ng mga pagbabanta laban kina Pangulong Bongbong Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Gomez Romualdez.

Dahil dito, pagdidiin ng dating Senador na hindi na dapat pang manatili sa puwesto ang Pangalawang Pangulo dahil bukod sa hindi na angkop ang kaniyang mga ikinikilos bilang opisyal ng pamahalaan, hindi rin ito nagsisilbing mabuti at magandang halimbawa para sa mga kabataan na napapanood o nakikita ang harap-harapang pagmumura nito na may kasama pang pagbabanta.

Magugunitang galit na galit na nagbanta at nagmumumura si VP Sara Duterte sa kaniyang FaceBook live noong nakaraang linggo. Tahasan nitong sinabi na mayroon na umano siyang kausap na hired killer na magsasagawa ng asasinasyon laban kina Pangulong Marcos, Jr., FL Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin G. Romualdez.

Ayon pa kay Trillanes, maghahain ang kanilang grupo (Magdalo) ng impeachment complaint laban kay VP Sara sa Kamara de Representantes dahil hinog na aniya ang paghahain ng naturang impeachment bunsod ng mga naging kaganapan sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng Bise Presidente.

“Red flag na yung unfitness to hold into her position. In time of emergency wala siya, wala na sa tamang katinuan. Bibigyan pa ba ng power yang ganyan? Kinikilabutan ang mamamayang Pilipino sa mga ginagawa ni VP Sara Duterte,” wika ni Trillanes.

Binigyang diin pa ng dating Senador na hindi dapat ipagwalang bahala ang mga naging pagbabanta ni Duterte sa buhay ng Pangulo at pamilya nito ay isang kasong kriminal. Isang bagay na kailangang idetermina ng Department of Justice (DOJ).

“In fact anything happens to the President. Kailangan na matanggal sa puwesto, mag topak ang taong ito. Hindi naman tayo psychiatrist pero alam naman natin na may topak si VP Sara dahil hindi na normal ang kaniyang ikinikilos,” sabi pa ni Trillanes patungkol kay VP Sara.

To God be the Glory