Calendar

VP Sara may kakampi sa Senado? Taumbayan huhusga— House spox
AYAW magbigay ng espekulasyon ng tagapagsalita ng Kamara de Representantes kaugnay ng mga usap-usapan na mistulang tinulungan ng Senate impeachment court si Vice President Sara Duterte sa depensa nito laban sa kinakaharap nitong impeachment case.
Ayon kay House spokesperson Atty. Princess Abante, hindi nararapat na manghula o magbigay ng interpretasyon tungkol sa motibasyon o posibleng pagkiling ng mga senador na gumaganap bilang mga hukom sa impeachment trial ni Duterte, ngunit ipinaalala niyang mahigpit na binabantayan ng publiko ang buong proseso.
“I wouldn’t want to make any speculations. We expect and assume that the senator-judges, in all of their actions in these proceedings, are acting with impartiality,” pahayag ni Abante sa isang press conference.
Nang tanungin kung posibleng may nakitang kakampi si Vice President sa Senado, sagot ni Abante: “Ayokong mag-speculate. Hindi naman kami ang maghuhusga n’un. Taong-bayan ang nanonood sa atin—kung ano ang ginagawa natin, kung ano ang actions natin sa impeachment proceedings na ito.”
Binigyang-diin ni Abante na nagampanan na ng House ang tungkuling itinatakda ng Konstitusyon sa pamamagitan ng pag-endorso at pagsusumite ng Articles of Impeachment at ngayon ay nakatuon na ito sa mas malawak na pambansang layunin habang naghahanda ang ika-20 Kongreso na magbukas.
“Ang House, nagampanan na ang trabaho, ang kanyang tungkulin sa impeachment proceeding. Hindi naman doon natatapos ang trabaho ng Kamara,” ani Abante.
“Naka-focus na rin kami sa mga dapat nating ibang trabaho para magbigay ng mas mataas na antas ng pamumuhay sa mga Pilipino,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Abante na patuloy ang pagsuporta ng House sa pagpasa ng mga makabuluhang batas na umaayon sa “Bagong Pilipinas” agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
“Patuloy ang suporta ng Kamara sa mga programa at polisiya ng administrasyon sa pangunguna ni PBBM—mga batas na makatutulong para mahanapan ng solusyon ang mga problema ng bawat Pilipino,” wika niya.
Nahaharap sa impeachment si Vice President Duterte dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang paglabag sa Konstitusyon.
Inaprubahan ng House ang Articles of Impeachment sa isang makasaysayang botohan noong unang bahagi ng taon. Hindi pa pormal na binubuksan ng Senado ang paglilitis bilang impeachment court, dahilan upang lumitaw ang mga pangamba sa pagkaantala at mga tanong tungkol sa pagiging patas ng proseso.
Paulit-ulit na ipinahayag ng House prosecution panel ang kahandaan nito sa paglilitis at nananawagan sa Senado na hayaang magpatuloy ang proseso “forthwith,” alinsunod sa Konstitusyon.