Sara

VP Sara tinatabunan ng kritisismo kay PBBM bakasyon sa Germany habang binabagyo ang PH

Mar Rodriguez Aug 10, 2024
164 Views

NANINIWALA si Manila 3rd district Rep. Joel Chua na pinupuna ni Vice President Sara Duterte ang paraan ng pagtugon sa kalamidad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang pagtakpan ang kanyang pagbiyahe sa Germany sa kasagsagan ng pananalasa ng super typhoon Carina, kamakailan.

“Well, tingin ko, itong banat po niya recently kay Pangulo, it’s a one way of… parang nililihis lang niya iyong issue para mapagtakpan po iyong totoong issue kasi po noong kasagsagan po noong bagyo, papalipad po siya, papunta po siyang Germany,” aani Chua, sa isang pulong balitaan sa Quezon City.

‘So, apparently, habang nakalubog po iyong Metro Manila at marami po sa mga kababayan natin ang nasa ilalim ‘di ba noong bagyo – binabaha, sinasalanta – ang atin pong Pangulo’y umiikot pero ang atin pong Bise Presidente ay nasa abroad kasama po ang kaniyang pamilya. Kaya sa tingin ko po, ito’y one way of diverting only the issue,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon kay Chua, hindi makatarungan ang pagpuna ng Bise Presidente sa Pangulo lalo na at ang bagyong Carina ay nagbuhos ng mas maraming ulan kumpara sa Bagyong Ondoy noong 2009.

“Tingin ko, unfair po iyong comment na binitawan po ng ating Pangalawang Pangulo dahil unang-una po ay, kung titingnan po ninyo iyong buhos ng dami ng tubig na bumagsak dito noong nakaraang bagyo ay mas matindi pa ‘to kaysa noong Ondoy and nakita naman po natin noong panahon ng Ondoy, grabe rin binaha ang Metro Manila,” ayon kay Chua.

Punto pa ng mambabatas ang kasalukuyang administrasyon ay dalawang taon pa lamang sa pamamahala bago nangyari ang kalamidad, wala pa sa kalahati ng termino nito.

Hindi naman matandaan ni Chua kung may natanggap na tulong ang mga residente ng Maynila na biktima ng kalamidad mula sa Office of the Vice President (OVP).

Nilinaw naman ng mambabatas, na hindi pinipigilan si VP Sara na mangibang bansa, ngunit ang makita umano ang isang pinuno sa lugar na sinalanta ng kalamidad ay makakatulong upang mabawasan ang pag-aalala at pagdurusa ng mga biktima.

“So, iyong sa akin lang naman po, ‘pag nakikita po kasi natin iyong leader natin nasa ground lumalakas po iyong loob natin, lalung-lalo na iyong mga biktima, doon po natin malalaman kung ang isang tao ay malasakit sa kanyang nasasakupan,” dagdag pa ni Chua.