Sara

VP satellite offices itatayo ni Mayor Inday

364 Views

UPANG mas maging mabilis ang pagseserbisyo ng gobyerno sa publiko, plano ni vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte na magtayo ng mga satellite office sa lahat ng rehiyon kapag siya ang nanalong Bise Presidente sa paparating na halalan.

“Nakaplano na ako kung ako manalo ng vice president, and that is to create satellite offices sa lahat ng regions,” sabi ni Mayor Sara sa press conference noong Lunes.

Sinabi ni Mayor Sara na personal nakita at napakinggan ang mga problema at karaingan ng mga mamamayan sa kanyang 28-araw na Mahalin Natin ang Pilipinas Ride kung saan din niya nakausap ang iba’t ibang grupo na sumusuporta sa kanya.

Ayon sa Davao City Mayor plano nito na gamitin ang mga support group na ito sa kanyang itatayong satellite office ng Office of the Vice President (OVP).

“Since nakita ko and natutunan ko dito sa Mahalin Natin ang Pilipinas Ride is that we have so many parallel groups who want to help their communities and lagi kong sinasabi sa kanila when we talked doon sa ride na hindi lang ito sa election. Hindi lang ito para maipanalo ninyo ang vice president ninyo. We need to work harder for the Philippines and hindi ito kayang gawin ng isang tao lang,” dagdag pa ni Mayor Sara.

Sa pamamagitan ng mga satellite office ay maipararating umano ng gobyerno nasyonal ang mga serbisyo nito sa mga rehiyon.

Dapat din umanong palakasin ang Regional Development Councils (RDC) para sa pagtatayo ng mga imprastraktura na makatutulong sa mga residente at negosyante sa rehiyon.

“Madami kami nadaanan na mga areas na makikita mo talaga na unequal yung development ng Pilipinas, particularly in terms of infrastructure development, and this is something that the Regional Development Councils should work on. Dapat pinapalakas natin yung mga RDCs natin,” sabi pa ni Mayor Sara.

Sa kanyang mga napuntahang lugar, sinabi ni Mayor Sara na kapuna-puna ang kakulangan ng imprastraktura sa Eastern Visayas kumpara sa ibang rehiyon.