Hagedorn

“Wala akong kinuha kahit isang kusing sa kaban ng ating pamahalaan” -Cong. Hagedorn

Mar Rodriguez Jul 11, 2023
141 Views

“Wala akong kinuha kahit isang kusing sa kaban ng ating pamahalaan at wala rin kahit singko ang isinampang kaso laban sa akin”.

Ito ang naging paglilinaw ni Palawan 3rd Dist. Congressman Edward S. Hagedorn kaugnay sa kasong isinampa ng Sandiganbayan 3rd Division laban sa kaniya patungkol sa kasong malversation of public property”.

Dahil dito, muling naninindigan si Hagedorn na siya ay inosente sa kasong isinampa laban sa kaniya sa pagsasabing wala umano siyang kinukuha kahit isang kusing sa kaban ng pamahalaan noong siya pa ang Mayor ng Puerto Princesa sa lalawigan ng Palawan bago ito nahalal na kongresista.

Nilinaw ni Hagedorn na wala siyang ninakaw sa kaniyang panunungkulan bilang Mayor. Kasabay ng pagpapaliwanag nito na hindi ibig sabihin na dahil kinasuhan siya ng Malversation ng Sandiganbayan ay mayroon na umano siyang kinuha sa pondo ng gobyerno.

Ayon sa mambabatas, ang kasong malversation of public property ay patungkol sa labing-apat na Armalite rifles na sinasabing hindi nito naibalik o naisaulit. Subalit binigyang diin ni Hagedorn na naisauli na nito ang mga nasabing baril na kinumpirma mismo ni Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Investigation Chief Police Lt. Col. Joseph Dela Cruz sa pamamagitan ng inilabas nitong statement.

Ipinaliwanag din ni Hagedorn na hindi nito personal na ginamit ang 14 na Armalite rifles. Sapagkat ito ay ginamit aniya ng mga awtoridad noong siya pa ang nanunukulang Mayor ng Puerto Princessa. Kabilang na dito ang mga pulis, bantay-gubat, bantay-dagat iba pang nangangalaga sa katahimikan ng kanilang lugar.

“May mga tumatawag sa akin eh. Ang sinasabi eh ilan daw ba ang kinuha ko. Ipapaliwanag ko lang, ang Malversation kasi ang akala nila mayroon akong kinuha. Ang sabi ko, wala kahit singko akong kinukuha. Ito yung mga baril na ginamit ng mga law enforcers natin nuong ako pa ang mayor. Lahat iyan wala akong hinawakang baril diyan. Lahat iyan ay ginamit ng ating mga pulis, bantay gubat, bantay dagat,” paglilinaw ni Hagedorn.