Calendar
Wala ng drama: Mga mambatatas pinuri Comelec ban sa substitution due to withdrawal
PINURI ng mga kongresista ang naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal ang substitusyon ng mga kandidato dahil umatras ang naghain ng certificate of candidacy.
Sa isang press conference nitong Huwebes, sinabi nina Reps. Bienvenido “Benny” Abante Jr. (Manila, 6th District) at Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur, 1st District) na nababawasan ang integridad ng electoral process dahil sa mga kandidato na nagtatago muna bago tumakbo.
“Wala na ‘yung surpre-surpresa, wala na ‘yung drama,” ani Abante na ang tinutukoy ay ang mga kandidato na nagsa-substitute sa araw ng deadline.
“Kaya ang desisyon ng Comelec ay isang paalala na sa halalan, hindi dapat gamitin ang loopholes o mga paraan upang mag-manipulate,” wika pa ni Abante. “Dapat alalahanin na ang integrity at transparency ay mahalaga sa tunay na demokrasya.”
Naniniwala naman si Adiong na hindi dapat hayaan ang mga taktika ng substitution due to withdrawal.
“It is a commendable act on the part of Comelec to really finally put an end to this mockery of our electoral processes,” giit ni Adiong.
Binigyan-diin ni Adiong ang kahalagahan na mapangalagaan ang proseso ng halalan at ang makilala ng mga botante ang mga kandidatong pinagpipilian.
“If you really have the intention to enter into public service and serve the people, you must also give the people, allow them to really know you, who you are, ano po ‘yung experience mo in public service para ma-scrutinize po nila kayo,” punto ni Adiong.
“Para magkaroon din po sila ng well-informed decision pagdating po ng election at hindi ‘yung magugulat na lang sila sa mga kandidato kasi bigla-bigla nalang nag-iiba ang mga mukha na nakikita nila,” dagdag pa nito.
Matatandaan na sumikat ang substitution due to withdrawal ng mag-substitute ang noon ay Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte sa kandidato sa pagkapangulo ng PDP-Laban.
Si Martin Diño ay umatras at pinalitan ni Duterte.
Para sa 2022 elections, nag-substitute naman ang anak ni Duterte na si noon ay Davao City Mayor Sara Duterte bilang kandidato ng Lakas-CMD sa pagka-bise presidente at pinalitan si Lyle Uy.