Vic Reyes

Walang eksepsyon sa patakaran

Vic Reyes Jan 21, 2026
115 Views

MAGANDA at masaganang araw sa lahat ng ating mambabasa, lalo na sa Japan at Oman.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki, Patricia Coronel, Hiroki Hayashi, Tata Yap Yamazaki, Endo Yumi, La Dy Pinky, Lorna Pangan Tadokoro, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Roana San Jose at syempre kay Hiroshi Katsumata, ang kaibigan ng mga Pinoy sa Japan.

Ganun din kay Joann de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman.

Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan.

***

Naniniwala tayo na nasa tamang landas ang paghabol sa mga taong sangkot sa mga maanomalyang flood control projects, kasama na ang mga tinatawag na “ghost projects.”

Kagaya ng inaasahan ng maraming sektor, walang sinisino ang kampanya ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. laban sa mga katiwalian.

Ito ay kitang-kita sa kaso ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., na kusang sumuko sa mga otoridad pagkatapos na maisyuhan ng warrant of arrest ng Sandiganbayan.

Sabi ni Palace press officer Claire Castro, si Pangulong Marcos ay “shocked and saddened following the surrender and detention of Senator Revilla.”

Isang kaalyado at kaibigan, si Revilla ay isa sa 12 senatorial candidates ng Bagong Alyansa para sa Bagong Pilipinas na sinuportahan ni Pangulong Marcos noong nakaraang eleksyon.

“The President is saddened because they were together in the Alyansa, and Senator Revilla is his friend.

Nevertheless, due process must still prevail,” ayon kay Castro.

Dagdag ni Castro: “He was also surprised because Senator Revilla is his political ally. But as the President has said repeatedly…no one will be spared.”

Sinabi naman ni DILG Secretary Jonvic Remulla na si Revilla, kasama ang iba pang akusado, ay ituturing na katulad ng lahat ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) alinsunod sa batas.”

Ayon kay Remulla, kahit na matagal na silang magkaibigan ni Senador Revilla ay “tungkulin ang umiiral – walang eksepsiyon sa patakaran.”

Sa tingin ng marami ay malinaw pa sa sikat ng araw na talagang walang sinisino ang kampanya ni Pangulong Marcos laban sa korapsyon sa gobyerno.

Lahat ng mga akusado sa mga maanomalyang flood control projects ay mabibigyan ng pagkakataon na patunayan sa korte ang kanilang “innocence.”

Kung talagang walang sapat at matibay na ebidensya ay sigurado namang mapapawalang-sala ang mga akusado.

Ang kailangan lang ay dumaan sa tinatawag na “due process” ang lahat ng mga akusado.

Hindi naman puwedeng puro sabi-sabi lang dahil hindi puwedeng magdusa at makulong ang mga inosenteng tao.

Huwag natin kalimutan, mga kaibigan, na nabubuhay tayo sa ilalim ng demokrasya.”

***

Aminado tayo na ang marami tayong kinakaharap na problema.

Nandiyan ang mga away politika, na lalong tumitindi habang papalapit ang 2028 presidential elections, kahirapan, korapsyon, kagutuman, kakulangan ng trabaho at peace and order.

Kaya nga dapat pabayaan na lang nating asikasuhin ng iba’t ibang ahensya ang kanilang mga trabaho.

Kagaya sa Bureau of Customs (BOC), dapat ituon na lang ng mga opisyal at kawani nito ang kanilang pansin sa trabaho ng ahensya.

Pagbutihin na nila ang pangongolekta ng buwis at taripa sa mga parating na importasyon at ang paglaban sa ismagling at korapsyon.

Ito ang mga pangunahing trabaho ng mga opisyal at kawani ng ahensya na pinamumunuan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Kailangang nakatutok sila sa kanilang mga trabaho dahil hindi biro ang mangolekta ng buwis, taripa at iba pang bayarin. Lalo ngayon na kailangang-kailangan ng pera ng gobyerno para matustusan ang mga programa at proyekto ni Pangulong Marcos.

***

Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)