Valeriano

Water interruption dulot ng El Nino at climate change kailangan paghandaan, iminungkahi ng isang kongresista kay PBBM

Mar Rodriguez Jun 28, 2023
147 Views

IMINUMUNGKAHI ng isang Manila congressman at Chairperson ng House Committee on Metro Manila Development kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kailangang magbalangkas ng mga plano at hakbang para paghandaan ang napipintong water interruption dulot ng El Nino at climate change.

Sinabi ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando M. Valeriano, Chairman ng Committee on Metro Manila Development sa Kamara, na bunsod ng napipintong water interruption dala ng El Nino at climate change kailangan umanong magkaroon na ng pagsasa-ayos o mga repair sa mga linya ng tubig.

Dahil dito, nagbigay ng mungkahi si Valeriano kay Pangulong Marcos, Jr. na kailangan din na maging pro-active ang pamahalaan sa pagharap nito sa problema ng El Nino at climate change na inaasahang makaka-apekto sa napakaraming mamamayan partikular na sa mga magsasaka.

Kasabay nito, nabatid din kay Valeriano na nagkaroon na rin ng pagpupulong ang kaniyang Komite para pag-usapan ng mga kapwa nito Metro Manila congressmen ang mga hakbang o planong kinakailangang gawin sakaling tuluyan ng maranasan ng bansa ang dalawang nasabing phenomenon.

“With the incoming water interruption because repair needs to be done. El Nino and Climate Change, the government should be pro-active in facing the problem. Access to water is a human rights,” ayon kay Valeriano.

Sinang-ayunan din ni Valeriano ang naunang panawagan ng National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na makibahagi o makipag-kooperasyon sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagtitipid sa tubig o water conservation bilang paghahanda sa El Nino phenomenon.

Binigyang diin ni Valeriano na mas magiging epekto ang pagharap ng Pilipinas sa napipintong El Nino phenomenon at Climate Change kung magkakaroon ng kooperasyon at pakikipag-tulungan ang mamamayang Pilipino.