Yorme

Yorme binuksan Cath Lab sa Ospital ng Maynila

Edd Reyes Sep 8, 2025
304 Views

BUKAS na offically ang Cardiac Catheterization Laboratory o Cath Lab sa Maynila.

Mismong si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang nanguna sa pagbubukas sa publiko ng kauna-unahang Cath Lab sa Ospital ng Maynila.

Ayon sa alkalde, ang Cath Lab ay isang pasilidad na magsisilbing tagapagligtas ng mga may sakit sa puso na kanyang binili mula sa inutang na salapi tatlong taon na ang nakararaan.

Lisensyado ng Department of Health (DOH) noong Enero 7 ang Cath Lab na nagtataglay ng advanced imaging upang masuri at magamit ang sakit sa puso ng hindi na kinakailangan ang operasyon.

Sa kasalukuyan, ang halaga para sa pagsasailalim ng angiograms sa pribadong ospital ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P58,000 habang ang angioplasty umaabot sa tinatayang P300,000.

“Today is the start of a long journey, because we are going to deliver angiogram, and hopefully later on, magkaroon tayo ng angioplasty,” pahayag ng alkalde.

Kasama aniya ito sa malawak niyang pananaw sa pagpapabuti ng kalagayang pangkalusugan ng mga residente ng lungsod, pati na ang pag-convert ng lumang Ospital ng Maynila bilang bagong Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) Academic Building for Health Sciences.

Hindi rin naiwasan ng alkalde na depensahan ang mga health workers sa lungsod na nasisisi sa pagkasawi ng inatake sa puso gayung kabiguan ng sistema ng nakaraang administrasyon ang dahilan.

“Kahit pa sa Harvard nag-aral ang mga doktor natin, hindi rin tayo magagamot kung kulang ang makina o gamot.

Rest assured, despite lack of resources, we will continue to support our doctors and nurses with the facilities they need,” pagtiyak pa ni Domagoso.