Calendar

Yorme Isko, VM-elect Chi maglilingkod ng may kapayapaan ng kalooban
TAPOS na ang halalan at nagpasiya na ang mamamayan kung sino ang sa inaakala at inaasahan nilang makapagbibigay ng tapat na paglilingkod, may patas at wastong desisyon, at may sapat na karanasang gumawa ng mga tamang hakbang na pakikinabangan ng taumbayan.
Masaya at tila hindi ininda ang pagod, gutom, at puyat ng mga nagwaging kandidato, maging sa lokal man at pambansang posisyon, na karamihan ay may maagang panawagan na ng pagkakaisa at pagsasaisantabi na ng naging hidwaan sa pagitan nila ng kanilang mga nakatunggali.
Ito naman talaga ang nararapat sapagkat kung patuloy nilang dadalhin sa kanilang dibdib ang poot at pagdaramdam sa kanilang mga nakatunggali, baka hindi maging maganda ang resulta ng kanilang ipagkakaloob na serbisyo sa mamamayan.
Sabi nga ni Manila Mayor-elect Isko “Yorme” Moreno Domagoso, kailangan nila ng kanyang ka-tandem na si Vice Mayor-elect Chi Atienza na ituon ang kanilang pansin sa kanilang mga ipinangakong pagbabagong anyo sa kapitolyo ng bansa kaya kailangan nilang maglingkod ng may kapayapaan ng kalooban at wlang kinikimkim na poot sa dibdib.
Hindi naman talaga imposible kung kaagad na ring isaisantabi o kalimutan na ni Yorme ang mga natanggap na batikos, pag-alipusta, at pangungutya sa panahon ng pangangampanya, lalu na’t maayos niyang naipaliwanag sa mamamayan ng Maynila ang ibinabatong akusasyon laban sa kanya.
Kauna-unawa naman kung maging tahimik at hindi na naglabas pa ng kani-kanilang mga pahayag ang mga hindi pinalad na kandidato lalu na’t kung ang pagbabatayan ay ang malaking kalamangan ng bilang ng boto sa kanila ng mga nagwaging katunggali.
Kadalasan kasi, laging ang isinisigaw ng mga natalong kandidato ay dinaya sila sa halalan lalu na yung mga naugusan lamang ng iilang boto. Pero dito sa Maynila, wala pa namang sumisigaw na nadaya sila lalu na’t maagang lumamang ng mahigit sa kalahati ang boto ni Yorme Isko.
Partido Navoteño, nakopo ang panalo
SOLIDONG boto ang nakopo ng magkapatid na Congressman Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco sa mga Navoteño kaya landslide ang panalo ng kanilang partido nitong nagdaang halalan.
Walang nangahas na lumaban kay Mayor John Rey na humakot ng 120,283 na boto habang 116,622 si Cong. Toby Tiangco nang sabay na iproklama ng Commission on Election City Board of Canvassers noong Martes ng tanghali.
Nagpasalamat naman si Mayor John Rey sa suporta ng mga Navoteño, hindi lang sa naganap na halalan, kundi sa kanyang mga isinusulong na programa dahil hindi raw niya ito magagawa kung walang kooperasyon ang mamamayan kaya kahit sila nagtagumpay, magiging makatotohanan lang aniya ito kapag naibigay na nila sa mga kababayan ang serbisyong makapagtataas sa antas ng kanilang pamumuhay.
Sabi naman ni Cong. Toby, gagamitin nilang inspirasyon ang kanilang panalo upang mapaglingkuran pa ang mga kababayan na nagtiwala at sumuporta sa kanilang buong tiket ng Partido Navoteño.
Wagi rin kasi ang ka-tandem ni Mayor John Rey na si re-electionist Tito Sanchez na wala ring kalaban, at lahat ng mga konsehal ng Partido Navoteño, kabilang ang tatlong bagito pa lamang sa larangan ng pulitika,
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa [email protected]