Isko

Yorme Isko walang planong maging parte ng Gabinete

Edd Reyes Nov 28, 2025
559 Views

WALA sa plano ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na tumanggap ng anumang posisyon sa pambansang pamahalaan dahil nakatuon na siya sa pagpapaunlad at pagpapanumbalik ng kadakilaan sa kapitolyo ng bansa.

Tugon ito ng alkalde sa tanong ng mga mamamayahag matapos ang pabirong pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na siya na lang dapat ang mamuno sa housing projects ng national government para mabilis itong maipatupad.

Nasambit ito ng Pangulo nang daluhan ang inagurasyon ng 20-palapag na San Lazaro Residences sa Sta Cruz na isang in-city vertical housing project na isa sa mga ipinatayo ni Mayor Isko Moreno para sa pabahay ng mga kuwalipikadong benepisyaryo sa Maynila.

Nauna ng iprinisinta ni Mayor Isko kay Pangulong BBM noong nakaraang buwan ang konsepto ng kanyang 10-year development plan para sa Maynila, kabilang na rito ang pagtatayo pa ng mga in-city vertical housing projects tulad ng Binondominum 2 na karagdagang housing project para sa mga walang permanenteng tirahang residente ng Binondo.

Nagalak at nagpasalamat din ang alkalde kay Pangulong BBM sa pagpapakita ng paghanga sa kanyang mga naisakatuparang proyekto sa loob lamang ng tatlong taon noong una siyang maupo bilang alkalde.

Nauna ng tiniyak ni Yorme Isko na kung papalarin at patuloy na pagtitiwalaan at susuportahan ng mga Manilenyo, tatapusin niya ang tatlong termino niya sa panunungkulan upang maisakatuparan ang 10-year development plan na inilatag na niya sa Pangulong BBM.