Romero1

1-PACMAN Party List ikinagalak pag-apruba ng Committee on Agriculture and Food sa RTL amendments

Mar Rodriguez May 9, 2024
122 Views

IKINAGALAK ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang pagkaka-apruba ng House Committee on Agriculture and Food sa panukalang amendments ng Rice Tariffication Law (RTL) na magbibigay ng kaginhawahan para sa mga maralitang Pilipino.

Sinabi ni Romero, chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, na inaasahang magbibigay ng hindi matatawarang kaginhawahan para sa mga maralitang pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng mura at abot-kayang bigas sakaling tuluyan ng maamiyendahan ang RTL.

Kasabay nito, pinasalamatan din ni Romero si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong sertipikahan bilang urgent ang panukalang amendments sa RTL na nagbibigay ng kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) para bumili at magbenta ng mura at abot-kayang bigas.

Binigyang diin ni Romero na ang pangunahing makikinabang sa RTL amendments ay ang mga mahihirap na pamilya na sobrang hilahod na bunsod ng napakataas na mga bilihin partikular na ang bigas. Kaya ang pagkakaroon ng murang presyo ng bigas ay maituturing na maagang pamasko para sa kanila.

“Ito na talaga ang pinakahihintay ng ating mga kababayan. Dahil sa matinding kahirapan na kinakaharap nila, ang pag-amiyenda sa RTL ang solusyon sa kanilang nakalulunos na sitwasyon.

Napakalaking bagay kasi ang pagkakaroon ng murang bigas sa gitna ng inflation,” paliwanag ni Romero.

Ayon sa kongresista, napapanahon ang pag-aamiyenda sa RTL sapagkat hindi na makapaghihintay ang taongbayan sa magkaroon ng sapat at murang halaga ng bigas sa harap ng mataas na bilihin.

Kasabay nito, kahit maiinit ang panahon. Hindi naman humihinto ang kongresista sa pagpapatuloy nito ng programa ng 1-PACMAN Party List Group sa pamamagitan ng TUPAD program na naglalayong makapagbigay sila ng “financial support” para sa mga residente ng Ponteverda, Capiz.