Sunog

10 BAHAY TUPOK, 13 PAMILYA, KABUUANG 55 KATAO APEKTADO SA SUNOG SA RIVERSIDE, GAPAN

Steve A. Gosuico May 15, 2026
157 Views

Sunog1Sunog2GAPAN CITY — Sampung bahay, 13 pamilya, kabuuang 55 katao ang naapektuhan sa sunog sa Riverside, Gapan.

Ito ang datos ng mga naapektuhan ng sunog na ibinigay kay Mayor Joy D. Pascual nang bisitahin niya mismo ang site ng nasunugan sa Sitio Riverside, Bgy. San Vicente nitong Miyerkules ng gabi.

Nasa 300 to 400 square meters aniya ang total area na naapektuhan ng sunog, ayon sa alkalde, na sumugod sa lugar upang personal na inspeksyunin ang nasabing fire site.

“Sisiguruhin natin na maibabalik sa dati ang buhay nila dito at hindi po natin sila pababayaan,” pahayag ni Mayor Joy, sa ginawang pag-inspeksyon sa lugar na nasunugan nitong Huwebes ng hapon.

Inamin din ng alkalde na maselan ang kalagayan dahil kasalukuyang buntis sa panganay nilang anak, na isa siya sa kinabahan at nanigas aniya ang tiyan sa nerbiyos dahil sa balitang ito sa sunog na sumiklab bunsod ng nangyaring brownout sa lugar nung Miyerkules ng gabi.

“Kasi nagkaroon tayo ng brown out [kagabi], du’n sa natanong namin [na si] Jomar. Doon sa kapitbahay niya nag-umpisa [ang sunog]. Initially, sa kandila pero under investigation pa po tayo,” pahayag ni deputy city fire marshal SFO3 Sonny M. Belacha kay Mayor Joy sa pagbisita nila sa Riverside Huwebes ng hapon.

Ayon kay Belacha, dakong 10:26 ng gabi nang matanggap nila ang ulat sa sunog at ang nangyari aniya ay sa gilid ng dike dumaan ang kanilang fire truck upang maka-access sila sa apektadong lugar.

Sa ulat, ang total affected individuals ng sunog ay nasa 55, kabuang bilang ng apektadong pamilya ay 13 at bahay na natupok ay sampu.

Samantala sinabi sa Facebook post ni Vice Mayor Max Pascual, ang mga apektadong residente ay inilikas muna sa Gapan North Central School.

Wala aniyang nasaktan sa nasabing sunog, ngunit nasa tinatayang libo-libong piso ng mga ari-arian ang napinsala.

Sa mga nais tumulong o mga may katanungan, maaaring tawagan ang Hotline Number ng Barangay San Vicente: 0967-083-2145.