DOH

14,707 bagong COVID-19 case naitala noong nakaraang linggo

126 Views

NADAGDAGAN ng 14,707 ang bilang ng mga nahawa ng COVID-19 sa bansa mula Setyembre 12 hanggang 18.

Ayon sa Department of Health (DOH) mas mababa ito ng 4 porsyento kumpara sa naitalang 15,379 mula Setyembre 5 hanggang 11.

Nakapagtala naman ng 248 dagdag sa bilang ng mga nasawi pero karamihan dito ay hindi lang kaagad na iulat sa DOH.

Sa 248 na nasawi, 36 ang nangyari noong Setyembre 2022, 14 noong Agosto 2022, dalawa noong Hulyo 2022, 22 noong Hunyo 2022, 28 noong Mayo 2022, dalawa noong Marso 2022, anim noong Pebrero 2022, 16 noong Enero 2022, at ang nalalabi ay noong 2020 at 2021.

Ayon sa DOH sa kasalukuyan ay 72,897,703 Pilipino na ang fully vaccinated o 93.34 porsyento ng target population. Sa bilang na ito 126,982 ang nabakunahan mula Setyembre 12 hanggang 18.

Sa naturang panahon ay nakapagpa-booster shot naman ang 331,413 indibidwal kaya umakyat ang bilang nito sa 18,883,456 indibidwal.