Calendar
15-anyos ginoyo ng kelot, 38, para humiwalay sa grupo, saka ginahasa
KALABOSO ang 38-anyos na lalaki na humalay umano sa dalagitang kanyang dinala umano sa isang apartment hotel Miyerkules ng madaling araw sa Taguig City.
Inaresto ng mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. si alyas “Bonifacio” sa kanyang tirahan sa Brgy. Pembo, Taguig City dakong alas-12:08 ng madaling araw makaraang humingi ng tulong sa pulisya ang ina ng 15-anyos na biktima matapos magsumbong sa kanya ang anak sa kahayupang ginawa sa kanya ng lalaki.
Sa ulat ni Col. Alagano kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, nagtungo ang biktima, kasama ang dalawa niyang kaibigan, sa isang pagtitipon sa Brgy. Pitogo, Taguig City Martes ng gabi kung saan nila nakilala ang suspek.
Gumawa umano ng paraan ang suspek na mapahiwalay sa mga kaibigan ang dalagita bago isinama patungo sa Guadalupe Apartelle II, Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City kung saan dito na ginawan ng kahalayan ang biktima.
Nakatakdang iprisinta ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Makati Police ang suspek sa Makati City Prosecutor’s Office para sa paghahain ng kasong statutory rape.

