Ipis Inaresto ng pulis ang guro na suspek sa pananakit at pagpapakain ng ipis sa isang estudyante sa Tondo, Manila.

Guro hinuli sa pagpapakain ng ipis sa estudyante

Jon-jon Reyes Dec 17, 2025
178 Views

ARESTADO ang 52-anyos na lalaking guro na umano’y nanakit at pinilit pakainin ng ipis ang 12 taong gulang na estudyante sa Tondo, Manila, hapon ng Biyernes.

Nakilala ang suspek na si alyas “Vonel” na tubong Marikina at residente ng Barangay Tondo, Manila.

Ayon sa report ng pulisya, nagsagawa ng manhunt operation ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Manila Police District (MPD) Delpan Police Station 12 sa pangunguna ni PLt. Ferdinand Omli, sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni Station Commander PLt. Col. Francis T. Balais, na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dahil sa paglabag sa Section 10(A) ng Republic Act No. 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Bitbit ng awtoridad ang arrest warrant ng akusado na inilabas ni Presiding Judge Maria Lorenza I. Barias Siosana ng Regional Trial Court Branch 38 ng Manila na may petsang Disyembre 11, 2025, at may nakalaan na P120,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Ayon pa sa pulisya, sinasabing nahuli ng estudyanteng biktima ang gurong minomolestiya umano ang isang babaeng estudyante sa banyo ng paaralan noong Oktubre 15, 2025.

Tinangka umanong tumakas ng biktima, pero nahabol ng guro at dinala sa comfort room kung saan nangyari ang sinasabing pananakit, gayundin ang pagpilit na kumain ng ipis at pagbabanta.

Agad nagsumbong ang bata sa magulang kaya nagkasa ng operasyon at inaresto ang suspek sa loob ng paaralan kung saan siya nagtuturo, pero nakapagpiyansa rin makalipas ang ilang araw.

Sumasailalim sa intervention program ang biktima, habang iniimbestigahan na kung may pananagutan ang paaralan kung saan nagtuturo ang guro na posibleng matanggal sa propesyon sakaling mapatunayang nagkasala.

Samantala, sinabi ng MPD na hindi na nagsampa ng reklamo laban sa guro ang estudyanteng babaeng minomolestiya umano nito.