GCash

Cashless payment na sa EDSA Busway

Jun I Legaspi Dec 17, 2025
156 Views

MAS mabilis at kumbinyente na ang pagbabayad ng pamasahe ng mga komyuter matapos ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) noong Miyerkules sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang cashless payment sa EDSA Busway gamit ang e-wallet na GCash.

Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagaanin ang araw araw na biyahe ng mga pasahero at para lalo silang ma-engganyo na sumakay sa pampublikong transportasyon.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, ang cashless payment ay dagdag na mode of payment o isang option para sa hassle-free na pagbiyahe sa EDSA Busway.

“Ito pong cashless payment ay isang malaking pamamaraan upang sa ganoon masasabi natin na indeed the travel of our commuters is now more convenient,” ani Secretary Lopez.

Tiniyak ni Secretary Lopez na walang GCash convenience o transaction fee at mayroon pa ring 20 percent discount ang mga estudyante, persons with disability (PWDs), at senior citizens na sasakay sa EDSA Carousel gamit ang cashless payment.

“Hindi lang po ang pagmomodernize ng ating mga infrastructure ang kailangan. Hindi lang po ang pagmomodernize ng ating mga pampublikong sasakyan ang kailangan. Higit sa lahat ang pag modernize ng sinasabi nating public service o passenger overall experience at ito ang binibigay ng GCash at ito rin ang binibigay talaga ng consortium sa busway,” dagdag ng transport chief.

Gamit ang cashless payment, sumakay si Secretary Lopez mula sa EDSA Busway PITX Station hanggang sa Santolan kasama ang ilang mga opisyal ng DOTr, GCash, Bangkok Sentral ng Pilipinas (BSP), at busway consortium.

Para sa EDSA Busway cashless payment, kailangan lamang buksan ang GCash, i-click ang scan to pay QR code, scan ang SoundPay device QR na nasa konduktor, ilagay ang amount ng pamasahe at i-click ang ‘pay.’

Samantala, sinabi ni GCash for Business Head Jong Layug na hindi maha-hack ang cashless payment system sa EDSA Busway.

“GCash invests a lot on building our security and top of the line po itong ginagamit namin so hindi po ito maha-hack,” pagti-tiyak ni Layug.

Kinumpirma naman ni BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan ang mabilis at hassle-free na pagbabayad sa EDSA Carousel gamit ang GCash.

“This is going to be convenient sa commuters kasi wala ng magiging problema sa pagbayad and it’s very fast. We pay the exact fare and ‘yung pamasahe natin dideretso na sya sa account ng operator,” ayon kay Tangonan.

Ang digital payment sa EDSA Busway ay bilang suporta sa Automatic Fare Collection System (AFCS) Proof of Concept for the National Standards (NS) para sa hassle-free fare transactions, ma-minimize ang cash handling, at opsyon ng mga pasahero na gumagamit ng e-wallet.

Sa ngayon ay nasa 260 busway units ang meron ng GCash SoundPay device, habang tatagal ng isang taon ang pilot implementation ng EDSA Busway cashless transaction.